Si Dolphy at ang Komedyang Filipino

Produkto ng Bodabil, si Dolphy [Rodolfo Vera Quizon Sr] ang tatanghaling ikon at ultimong komedyante ng kaniyang panahon, at magtatakda ng kumbensiyon sa larangan ng pagpapatawa sa pelikula, telebisyon, at radyo. Ang pagpapatawa ni Dolphy ay sumasaklaw sa mga pakahulugang popular at kontemporaneo, naglalaro sa pukol ng mga salita at mapaghanap ng tumpak na tiyempo, hindi magbabantulot na maging teatral, matalim at mapangahas gaya ng klasikong payaso, bukod sa nagsasaalang-alang ng pagsalo o pagsangga sa winiwika at reaksiyon ng kapuwa aktor, habang ibinubunyag sa realistikong pagdulog ang panahon o lugar na kaniyang iniinugan bilang aktor.

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com.

Maitatangi si Dolphy, at ito ang hindi maitatatanggi. Ang uri ng siste o paraan ng pagpapatawa niya ay lumilingon sa gaya ni John Falstaff o Charlie Chaplin, at siyang isasalin sa telon, subalit kayang magsuot ng kapayakan sa katauhan ng gaya nina Gorio, Ompong, Enteng, Kevin Cosme, at John Puruntong. Kailangan ni Dolphy ang mahusay na iskriprayter, gayunman ay marunong siyang manghimasok sa kaniyang papel dahil ang gumaganap ay hindi si Dolphy bagkus ang tauhang kaniyang kinakatawan. Panoorin si Dioscoro Derecho sa Ang Tatay kong Nanay (1978), at ang kabaklaan at ang pagkamagulang ay magbabago ang tabas sa direksiyon ni Lino Brocka, bukod sa magpapakilala kay Niño Muhlach bilang kapani-paniwalang iyaking ampon at anak sa labas.

Humusay si Dolphy bilang aktor dahil marami siyang kapuwa aktor na walang itulak kabigin sa larangan ng komedya. Paboritong kapares niya si Panchito, at kapag nagsama sila sa pelikula’y dobol trobol. Walang kahirap-hirap, wika nga, kapag mahusay ang kasama, gaya ng matutunghayan sa Si Lucio at si Miguel (1962), Fefita Fofongay (1963), at Hiwaga ng Ibong Adarna (1972). Makakasabayan niya ang klasikong tambalan nina Pugo at Tugo, ang maliksing mananayaw na si Bayani Casimiro ala-Fred Astaire, ang malambing na bungangerang si Chichay, ang bigating si Ading Fernando, ang maangas na natural na si Babalu, ang kahanga-hangang Nida Blanca, ang mataray na sosyal na Dely Atay-atayan na pagsusumundan ni Doña Buding, at iba pa.

Maibubukod si Dolphy dahil sensitibo siya sa reaksiyon ng manonood. Higit niyang pipiliin na pagtawanan ang sarili kaysa kasangkapanin ang manonood para pagtawanan lalo ng nakatataas ang estado sa buhay. Dukha, patpatin at kaawa-awa, ang mga papel ni Dolphy ay maglalaro rin sa sining ng panggagagad, na kalabisan man kung ituturing na Makutim na Komedya’y magtatanghal ng pabalintunang alingawngaw mula sa Hollywood: Adolphong Hitler, Dolpinger, James Batman, Kapten Batuten, at Agent 1-2-3. Ngunit sa oras na tapatan ng mahusay na iskrip ay malulusutan kahit ang mapaghamong papel ni Walterina Markova at ni Dioscoro Derecho.

Anuman ang panahon, asahang naririyan si Dolphy. Alam niya ang halina ng entablado ngunit higit niyang alam ang kapangyarihan ng pagsasahimpapawid sa radyo; ang bisa ng paglikha ng kakatwang realidad sa loob ng pinilakang tabing; at ang pambihirang saklaw ng telebisyong magiging paboritong kapanalig kahit sa oras ng hapunan. Ibig sabihin, alam ni Dolphy ang midyum na kaniyang pinapasukan subalit hindi na niya ito kailangang ipagyabang. Bukod pa rito’y kilala niya ang pintig ng kaniyang mga kapuwa aktor, dahil ang kaniyang husay ay lalong kikinang sa oras na tumbasan ng pambihirang talento ng iba pang aktor.

Isasalin ni Dolphy ang panitikan at komiks sa pinilakang tabing, at mapapabilang sa listahan ang mga kuwento ni Lola Basyang (alyas ni Severino Reyes), ang pamosong Kalabog en Bosyo ni Larry Alcala, at ang Captain Barbell ni Mars Ravelo.

Ang pangwakas na kritiko ni Dolphy ay ang malawak na madlang sumubaybay ng kaniyang makulay na karera. Maaaring sumasalamin si Dolphy sa sentimyento ng api o sawimpalad, ngunit maaaring itanggi niya ito. Hindi magtatangka si Dolphy na pumalaot sa politika ngunit marami siyang politiko na ipapanalo sa oras na maitampok at maiendoso, dangan lamang at nagkamali siya nang itaas ang kamay ni Sen. Manny Villar na tumakbo sa pagkapangulo. Sisikapin niya sa tulong ng mga kumpareng sina Joseph Estrada at Fernando Poe Jr ang Mowelfund, at ang rekord nito ang magpapatunay na may naiambag siya para sa kapakanan ng mga karaniwang kawani na nagtatrabaho sa larangan ng pelikula, telebisyon, at radyo. Kalimutan man ng publiko si Dolphy, marahil ay magkikibit-balikat lamang siya, mapapahagikgik, na waring nagsasabing “Hindi, hindi mabibiro ang tadhana.”

3 thoughts on “Si Dolphy at ang Komedyang Filipino

  1. Magandang araw, Sir Bobby. Esperanza Flores po ng Filipino Magazin. Tunay nga. Kayo ay ganap nang bagong hari ng panulaang Pilipino. Mabuhay para sa bagong minang nahukay para sa KWF! =)

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.