Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2011) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.
Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyonalismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.
Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinaghalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.
Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.
Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.
Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.
Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.
Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.
Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.
Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.
Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.
Makapangyarihan talaga ang impluwensiya ng dokumentaryong ito, kaso marami ring ebidensya ang ipinagsawalang-bahala ng mga gumawa.
Kaya, di ako nakumbinsi. Nakakasuka lang na ang mga kriminal ay ipinalalabas na biktima dito.
LikeLike