Katawan, Tandaan . . . , ni C.P. Cavafy

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katawan, Tandaan . . .

Katawan, tandaan hindi lamang kung gaano ka minahal,
hindi lamang ang mga kama na iyong hinigaan,
bagkus maging ang mga pagnanasa
na kuminang nang lantay sa iyong paningin,
at nangatal sa tinig—at ang ilang pagkakataong
humadlang upang biguin ang gayong kaganapan.
Ngayong ang lahat ng ito ay pawang lumipas na,
waring ipinaubaya mo rin ang sarili
sa gayong mga pananasa—kung paanong kumislap yaon,
kung natatandaan mo, sa mga matang tumitig sa iyo,
at kumatal sa tinig, para sa iyo, tandaan mo, katawan!

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Bago sila baguhin ng panahon

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Cavafis)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago sila baguhin ng panahon

Kapuwa sila namighati   sa kanilang paghihiwalay.
Hindi nila ninais iyon;   ngunit panahon ang nagtakda.
Upang makaraos sa buhay,    ang isa sa kanila’y
napilitang maglakbay tungo  sa New York o Canada.
Ang kanilang pag-ibig, ay!    hindi na gaya noon;
bahagyang tumalam bigla   ang bighaning makipagtalik;
ang bighaning makipagniig  ay tumamlay nang labis;
Ngunit hindi nila hangad   ang kanilang paghihiwalay.
Maaaring pagkakataon lamang.—  O baka ang Tadhana’y
isang alagad ng sining    na pinagbukod sila ngayon
bago pumusyaw ang damdamin  at baguhin ng Panahon;
bawat isa sa kanila’y    mananatili nang habambuhay
na beynte kuwatro anyos   at napakarikit na kabataan.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon. Dominyo ng publiko.

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Ang Lungsod at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkabalam

Binabalam natin ang gawain ng mga diyos,
sa ating pagmamadali at pagiging muslak.
Sa mga palasyo ni Pítiya at ni Elewsis,
kumakayod nang matwid sina Demeter at Tetis
sa gitna ng liyab ng apoy at makapal na usok.
Ngunit malimit humahangos palabas si Metaneyra
mula sa kaniyang mariringal na silid,
gusot ang damit at buhok bukod sa nahihindik,
at madalas kabado at nanghihimasok si Peleyus.

Ang Lungsod

Sabi mo, “Magtutungo ako sa ibang lupain, sa ibang dagat.
Matutuklasan ang isa pang lungsod, na higit kaysa rito.
Bawat pagsisikap ko’y isinumpa ng kapalaran
at ang puso ko—gaya ng bangkay—ay nakalibing.
Gaano katagal mananatili ang isip sa gayong kabulukan?
Saan man ako bumaling, saan man tumingin,
ang makukutim na guho ng aking buhay ay natatanaw dito,
na maraming taon ang inilaan, ginugol, at winasak.”

Wala kang matutunghayang bagong lupain o ibang tubigan.
Hahabulin ka ng lungsod. Maglalagalag ka sa parehong
mga kalye. At tatanda ka sa parehong kapitbahayan,
at puputi ang mga buhok sa parehong mga tahanan.
Malimit kang sasapit sa parehong lungsod. Huwag umasa
sa iba—Walang barko na laan sa iyo, ni walang lansangan.
Gaya ng paglulustay mo sa buhay dito sa munting sulok,
parang winasak mo na rin ang buhay saanmang lupalop.

Ang mga Mago

Nasasagap ng mga diyos ang hinaharap, ng mga mortal ang kasalukuyan, at ng mga mago ang mga bagay na magaganap.

—Pilostratus, Buhay ni Apolonyus ng Tyana, viii. 7.

Maláy ang mga mortal sa mga nangyayari sa ngayon.
Ang mga diyos, na ganap at tanging nagtataglay
ng lahat ng Karunungan, ay malay sa mga sasapit.
At sa lahat ng bagay na magaganap, nababatid
ng mga mago ang papalapit. Ang kanilang pandinig

sa oras ng pagmumuni ay labis na nabubulabog.
Ang mahiwagang tunog ng darating na pangyayari
ay sumasapol sa kanila. At pinakikinggan nila iyon
nang may matimtimang paggalang. Samantalang
doon sa lansangan, ni walang naririnig ang madla.

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”