Lambak ng Patay, ni Sorley Maclean

salin ng mga tula ni Somhairle MacGill-Ean [Sorley Maclean]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kalbaryo

Ang aking paningin ay wala sa kalbaryo
o kaya’y sa Pinagpalang Bethlehem,
bagkus sa mabantot na nayon ng Glasgow,
na ang buhay ay naaagnas habang lumalaki;
at sa isang silid sa Edinburgh,
ang silid ng karukhaan at pagdurusa,
na ang maysakit na sanggol
ay nag-iihit at alumpihit hanggang mamatay.

Lambak ng Patay

Winika ng Nazi o iba na ibinalik ng Fuehrer sa Alemang Kalalakihan  ang ‘karapatan at ligayang mamatay sa pakikidigma.’

Nakaupo nang walang tinag sa Lambak ng Patay
sa ibaba ng Tagaytay Ruweisat
ang batang nakatakip ang buhok sa kaniyang pisngi
at nagsaabuhing marungis na mukha;

Nabatid ko ang karapatan at ligaya
na natamo niya mula sa kaniyang Fuehrer,
sa pagsubsob sa larangan ng pagpatay
upang hindi na muling bumangon;

sa ringal at sa kasikatan
na taglay niya, hindi nag-iisa,
bagaman siya ang pinakakaawa-awang makita
sa laspag na lambak

na nilalangaw ang mga abuhing bangkay
sa bundok ng buhanging
makutim na dilaw at hitik sa mga basura
at pira-pirasong bagay mula sa sagupaan.

Ang bata ba ay kasama sa pangkat
na umabuso sa mga Hudyo
at Komunista, o nasa higit na malaking
pangkat nilang

tumututol na mahimok, mula sa simula
ng mga salinlahi, sa paglilitis
at baliw na deliryo ng bawat digmaan
para sa kapakanan ng kanilang mga pinuno?