Isang Tsinong may Pekeng Identidad

Noong 22 Enero 2013 ay ginanap sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang panunumpa ng pamunuan ng bagong tatag na Pambansang Samahan ng Ugnayang Filipino (UGFIL). Nagbigay ng mensahe sa naturang pagtitipon ang isang nagngangalang Pauline “Amah” Chong, na isa umanong Pandaigdigang Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) Direktor sa Hong Kong, Tsina. Ang totoo’y walang PSWF Direktor sa Hong Kong o saanmang panig ng Tsina ang KWF. Ang ganitong imbensiyon ay mula lamang kay Jose Laderas Santos, na nagtapos na ang termino bilang Punong Komisyoner ng KWF noong 6 Enero 2013.

Nakasaad sa Seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104, na ang Komisyon (na tumutukoy sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF) ay may kapangyarihang “magsagawa o makipagkontrata ukol sa pananaliksik at iba pang pag-aaral upang isulong ang ebolusyon, pagpapaunlad, pagpapayaman at dakong huli’y estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas.” Ngunit nang hirangin ni dating Punong Kom. Santos si Chong bilang dayuhang konsultant, hindi sinangguni o ipinagbigay alam ni Santos sa Lupon ng mga Komisyoner ang estado ni Chong. Ibig sabihin, ilegal at arbitraryo ang pagkakahirang kay Chong sa simula’t sapul.

Dapat mabatid ng taumbayan na ang KWF ay umiiral sa bisa ng lawas kolehiyado ng Lupon ng mga Komisyoner. Ibig sabihin, kahit may diskresyon ang Punong Komisyoner hinggil sa ilang bagay na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng opisina, kinakailangang sumangguni pa rin siya at sumunod sa kapasiyahan ng Lupon. Ang punong komisyoner, gaya ng iba pang komisyoner, ay may isang boto lamang kung sino ang ipapasiyang mahirang na konsultant, dayuhan man o Filipino. Hindi maaaring arbitraryong humirang ng sinumang tauhan ang punong komisyoner, dahil hindi lamang ito paglabag sa esensiya ng Batas Republika Blg. 7104, bagkus pagganap ng kambal na katauhang tagapagbuo ng mga programa at patakaran sa isang panig, at tagapagpatupad ng mga programa at patakaran sa kabilang panig.

Ang higit na masaklap ay gumamit ng iba pang identidad si Chong na pawang maituturing na pekeng identidad, gaya ng “Pauline C.Ling Hui Kho,” “Paulyn Chong,” at “Cai Ling Hui” na pawang ipinangangalandakan niya sa kaniyang mga calling card. Ang nasabing mga pangalan ay hindi rehistrado sa civil registry, at malinaw na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085 (na mas kilala bilang AN ACT AMENDING COMMONWEALTH ACT NUMBERED ONE HUNDRED FORTY-TWO REGULATING THE USE OF ALIASES). Sa kontratang pinirmahan niya sa KWF na may petsang 14 Enero 2010 at tinanggap ng dating residenteng COA awditor sa KWF Teresita Fernandez, ang ginamit niyang pangalan ay “Pauline C. Chiong.” Ang nasabing kontrata ay pirmado rin ni dating Kom. Jose Laderas Santos, at nakasaad pa ang mga pirma bilang mga saksi nina Julio A. Ramos (Punong Administratibo) at Almira Divina M. Alejandrino (HRMO III), bukod ang mga pirma ni Salvador L. Sagadal (na noon ay Officer in Charge ng Budget Unit) at ni Bernadeth M. Mequila (Accountant III). Nakapagtatakang lumusot sa buong Sangay Administratibo ang katauhan ng pekeng Tsino na si Chong o Chiong, na nagpasa ng iba pang dokumentong gaya ng “Terms of Reference for Pauline C. Chiong,” “Contract of Service,” “Accomplishment Report,” at “Katunayan ng Paglilingkod sa mga buwan ng Enero at Pebrero 2010.” Hindi man lang binanggit sa naturang mga dokumento ang pangalang Huadu Cai—na siyang tunay na katauhan ni Pauline Chong, Pauline Chiong, atbp.— alinsunod sa opisyal niyang Pasaporte blg. G34417238 na inisyu ng People’s Republic of China (PRC).

Ang naturang paglilihim ng pekeng identidad ay pinalakas pa ng pangyayaring binigyan ng identipikasyon kard ng KWF sa ilalim ng administrasyon Punong Kom. Santos si “Pauline Chiong” at ang kaniyang diumano’y anak na nagngangalang Henry C. Lu noong 2009. Walang matinong naimbag sa KWF magpahangga ngayon ang dalawang Tsinong ito, at naging galanteng tagapamudmod lamang ng regalo, salapi, at iba pang bagay sa mga kawani at opisyal ng KWF. Ngunit ang dapat puwingin ay ang maling representasyon ng dalawang Tsino sa isang tanggapan ng gobyerno, bukod sa nabanggit na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085.

Sa isang liham awtorisasyon ni dating Kom. Santos na may petsang 14 Hulyo 2009, nakasaad ang sumusunod: “In the desire of Mme. HUA DU CAI to help in the research, promotion and preservation of Filipino Language in the Chinese Community wherein Mme. Cai is a member, the undersigned hereby authorize her to do such undertakings in line with the rules and regulation mandated under Republic Act 7104 creating the Commission on Filipino Language known as Komisyon sa Wikang Filipino.” Isang kabulaanan ito, lalo kung isasaalang-alang na ni hindi man lang binanggit sa mga dokumentong isinumite sa KWF at may kaugnayan sa pakikipagkontrata sa dayuhang konsultant ang pangalang Hua Du Cai, bukod sa inilingid ang numero ng kaniyang pasaporte. Hindi isinaad ni dating Kom. Santos na si Hua Du Cai o Huadu Cai at si Pauline C. Chiong at iba pang alyas ay iisang tao lamang. Wala ring karapatang magbigay ng awtorisasyon si dating Kom. Santos kay Huadu Cai sapagkat si Santos ay hindi awtorisado ng Lupon ng mga Komisyoner na gawin iyon. Kumbaga, arbitraryo ang gayong kapasiyahan.

Matagal nang naghasik ng kabulaanan itong si Huadu Cai, alyas Pauline C. Chiong atbp., hindi lamang sa loob ng KWF bagkus maging sa mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino ng KWF sa buong kapuluan at ibayong dagat. Si Huadu Cai, batay sa obserbasyon ng nakararaming nakasaksi sa kaniyang pananalita at pagsusulat, ay walang kasanayan sa wikang Filipino o lingguwistika at kulturang Filipino sa mga pamayanang Tsino. Kung pagbabatayan ang kaniyang curriculum vitae na isinumite sa KWF ay mahihinuhang kahit iyon ay pineke, at pinalusot ng HRMO Alejandrino at Punong Administratibo Ramos sa mahabang panahon. Ang masaklap pa nito, ginagamit pa ni Huadu Cai ang radyo at nagpondo pa ng sariling magasing Kowika noong 2010 upang isulong ang kaniyang interes.

Hindi dapat paniwalaan itong si Huadu Cai; ngunit ito’y patuloy na kinunsinti ni Jolad Santos hanggang sa wakas at lampas sa kaniyang termino. Kasumpa-sumpa ang ganitong impunidad, kasuklam-suklam ang ganitong pagmamalabis sa awtoridad, at karima-rimarim kahit ang kutsabahan sa loob ng KWF na lalong nagpaparupok sa pundasyon at integridad ng institusyong nagsusulong ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon.

Noong 2010, nagpasok ng mga kasangkapang pangkomunikasyon sa KWF at umokupa pa ng isang bukod na silid si Huadu Cai sa basbas ng mga Komisyoner na sina Santos, Carmelita Abdurahman, at Concepcion Luis, bukod sa pinayagan din nina Punong Administratibo Ramos at HRMO Alejandrino. Nangyari ito kahit pa masikip na ang tanggapan ng KWF sa Gusaling Watson, at umaangal ang mga kawani dahil hindi paborable ang lugar sa pagtatrabaho. Ang ganitong kaselang pangyayari ay naglagay sa alanganin sa Malacañang, lalo’t may isinamang mga tauhan si Huadu Cai na maaaring magdulot ng panganib o kapahamakan hindi lamang sa KWF bagkus sa Tanggapan ng Pangulo, yamang katabi ng silid ni Huadu Cai ang opisina ni Atty. Ronaldo Geron sa Gusaling Watson.

Nakapagdududa kung ano talaga ang identidad nitong si Huadu Cai. Ginamit niya ang alyas na “Ling Hui Kho,” at kung may kaugnayan man siya sa Ling Hui Kho Foundation, Inc. na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ay dapat pang imbestigahan. Ang nasabing organisasyon ay kahawig ng isa pang organisasyong nakareserba sa SEC, at pinangalanang Pamana LingHuiKho (PAMANA) Inc., na puwedeng imbestigahan ng NBI, DOLE, at BI. Sa isang ulat ni Alvin M. Remo ng Philippine Information Agency, si  Pauline Chong ay ipinakilalang direktor ng Language Exchange Center, Hong Kong at nagtatag umano ng Ling Hui Kho Temple sa Barangay Cuta, Lungsod Batangas. Kung ang naturang Language Exchange Center ay tumutukoy sa PSWF Hong Kong, iyon ay malinaw na maling representasyon sa panig ni Huadu Cai alyas Pauline Chong.

Iminumungkahi kong ituring na persona non-grata si Huadu Cai sa KWF, sa pagpasok ng bagong set ng mga komisyoner, dahil sa pagtataglay at pagpapanatili ng pekeng identidad at palsipikadong papeles. Mungkahi lamang ito, at maaaring hindi maganap. Ngunit hindi ko rin mapipigil kung may ibang tao o institusyong ungkatin ang ganitong kagarapal na pangyayari, at magmungkahing unahing papanagutin sa batas si Jolad Santos at ang kaniyang matatapat na tauhang kasangkot.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha, na katabi ni dating KWF Komisyoner Jose Laderas Santos.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong peryodistang Andy Beltran.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong Andy Beltran.

3 thoughts on “Isang Tsinong may Pekeng Identidad

  1. nais ko pong ipaalam kay sa madla at sa pamahalaan na ang larawan pong nakapaskil ay kuha nang mainvite namin si Madam Pauline chong bilang panauhing pandangal at ang pagkakakilala namin sa kanya ay siya ang consultant ng KWF, kung kaya dapat lang na igalang namin siya nang mga panahon naiyon sa katunayan isinabit pa niya sa akin ang logo ng kwf at malugod ko po itong tinanggap dahil sa pagkakaalam namin ay tao siya ng pamahalaan, at kung peke man po ang kanyang identidad ay wala kaming alam doon at ganon na rin sa ibang activities ni ms. Huado Cai o Pauline Chong dahil may tiwala naman kami sa kwf na siyang nagpakilala sa amin kay Ms. Pauline chong. At isa pa wala po kaming panganib na dala sa KWF sa totoo lamang po madalas kong isulat sa pahayagan ang KWF nang walang anomang kapalit nais ko lamang pong tulongan ang pamahalaan na maipakilala sa madla ang kahalagahan ng wikang filipino, dahil sa totoo lamang po hindi gaanong alam ng madlaang KWF sa totoo lamang po ako mismo ay nalaman ko lamang ang KWF nang maging guest namin si Pauline Chiong sa Concert na iyon . Sa katunayan po naisulat ko na po sa pahayagan ang tungkol sa bagong Punong Komisyoner at maging ang tungkol sa paskil na ito ay nailathala ko na rin, padadalhan ko po ng kopya ang KWF kapag lumabas na ang lahat nang ito sa pahayagan, salamat po

    Like

  2. tunkol naman po sa Radio program ay ako rin ang nagbukas ng programa sa kagustohan ni madam Pauline, at may tiwala naman po kami sa kanya dahil m,aging ang dating Punong Komisyoner ay nagpapatunay na siya ay lihitimong consultant ng KWF, noontg una po ang aming programa ay pinamagatang ” Nagmamahal Pauline c. Ling Hui Kho ” ang layunin po ng programa ay ang magbigay tulong sa mga nangangailangan at ang tungkol sa KWF ay binibigyan ko lamang ng 15 minuto ngunit nang naging madalas na ang pagpunta ng mga taga KWF sa programa ay nawala na ang tunay na layunin ng programa at naging KWF program na ang naging topic nito, sa totoo lang madalas pumunta sa programa si Komisyoner Bernard Macinas, atty. Luis, Kom. abdurahman, kom. Joe Lad Santos, Kom. Acas at marami pang iba at matapos yon ay tinanggal ako sa programa at taga KWF na ang nagpatuloy nito, nasabi ko nga sa aking sarili ganito ba talaga ang taga KWF walang utang na loob ako ang nagpakilala sa kanila sa DWDD pagkatapos ay ako ang tinanggal sa prorama? sana nga ay nagkamali ako ng pag aakala na ganoon nga ang taga kwf.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.