Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay. Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.
“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.
Ang ganda at ang husay nito sir Bob. Maari ko ba ikawing o ishare sa FB wall ang link ng tula sa alimbukad? kumusta po sa iyo at sa buong pamilya. -Glenn Ford
LikeLike
Pumapayag ako.
LikeLike
sir bob, parang kailangan ko rin balikan ang Dalumat mo sa Ibon. Yaong naratibo na ipinablis niyo sa Oragon noong taong 2000. maraming salamat sa tula na ito, may pagninilayan na naman ako ngayong gabi.
LikeLike