1. Sa tabi ng ilog
Itim lahat ang kaligiran, winika ni Enrique habang nakatanaw sa laot, at sa labis na pagod at pangungulila’y inakala niyang mga alitaptap na pumirmi sa kalangitan ang mga bituin. Kinausap niya ang mga kulisap, at tumugon ang mga ito sa pamamagitan ng ampiyas at ulop. Namasa ang kaniyang buhok, at nang haplusin niya ang noo’y kumapit sa kaniyang palad ang dungis at langis.
Napahagulgol ang mga alon, at kung nagkataong lumingon si Enrique, natanaw sana niya ang mga sirena sa Malaka. Humihimbing sa kanilang kandungan ang mga magdaragat na maputla ang balat at gutom na gutom. Nakatanaw si Enrique sa malayo, at ang naririnig niya’y ang tinig ng isang binibining naglalaba sa tabi ng ilog. (Itutuloy. . . .)