Sinindak, binugbog, at hinambalos ang ilang Filipino sa Taiwan, makaraang pumutok ang balita na napatay ng kawal ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel, sa pagitan ng mga isla ng Babuyan at Batanes. Ibinalita rin na pinagbawalan ang mga Filipino na pumasok sa mga groserya, restoran, at ilang publikong lugar; samantalang ang iba’y sumagap ng diskriminasyon sa mga pabrika at opisina.
Kung napatay man ang isang Taiwanese sa Balintang Channel, ito ay sapagkat sinikap ng PCG na pangalagaan ang teritoryo ng Filipinas. Matagal nang usapin ang pagpasok ng mga Tsino at Taiwanese sa Batanes at Babuyan, ngunit hindi ito natutugunan sapagkat kulang sa mga sasakyang-dagat ang Filipinas. Kung iisipin ay pumasok nang walang paalam sa teritoryo ng Filipinas ang mga Taiwanese; isang kasalanang lumalabag sa Saligang Batas 1987 at iba pang batas na pandaigdigan.
Ngunit higit na nakalulungkot ang diskriminasyon, rasismo, at senopobya ng ilang Taiwanese laban sa mga Filipino. Ang nasabing aksiyon ng mga tarantadong Taiwanese ay lumalabag sa deklarasyong inihayag ng United Nations sa Durban, South Africa noong 31 Agosto hanggang 8 Setyembre 2001, mula sa “Pandaigdigang Kumperensiya laban sa Rasismo, Diskriminasyon ng Lahi, Senopobya, at Kaugnay na Intoleransiya.” Nalalabag ang mga karapatang pantao ng mga Filipino sa Taiwan, partikular ang mga migranteng manggagawa at turista, sapagkat kahit hindi sila sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese sa Balintang ay sila pa ang ginigipit ng mga Taiwanese.
Hindi rin makatutulong kung pasisiklabin ng midya sa Taiwan ang silakbo ng mga Taiwanese. Ang dapat atupagin ng mga peryodista at politiko ay lutasin ang ganitong problema, at malaki ang maitutulong ng edukasyon at talakayan.
Ang rasismo, diskriminasyon ng lahi, senopobya, at kaugnay na intoleransiya ay nagbubukas ng usapin hinggil sa mga Filipinong migranteng manggagawa. Kumakayod sa ibayong dagat ang mga Filipino hindi para makipag-away o manuba ng kapuwa tao, bagkus upang kumita ng ikabubuhay sa marangal na pamamaraan. Ngunit sinisipat ng ilang Taiwanese na makikitid ang isip na pawang pangamba sa kabuhayan ng Taiwan ang mga Filipino, imbes na katuwang sa kaunlaran. Ang gayong aksiyon ng mga Taiwanese ay lumalabag sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, at walang pakundangan sa mga kalayaang may kaugnayan sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, at pagkamamamayan.
Nakalulugod na nakaigpaw na ang mga Filipino sa baryotikong pagtanaw na rasista at senopobo; subalit marami pang kakaining bigas ang mga Taiwanese upang sumapit sa gayong yugto. Sa ganitong pangyayari, kinakailangan ang internasyonal na tulong upang malutas ang malulubhang prehuwisyo laban sa mga Filipino doon sa Taiwan.
Ang pagtanaw na superyor ang lahing Tsino kaysa Filipino ay nagbubunga ng rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya. Ang pagtanaw na ito ay isang anyo ng kolonyalismo, at dapat iwaksi sa pinakasukdulang paraan. Upang malutas ito, hinihingi sa panig ng mga Filipino na tuklasin ang pinakadakila at pinakamagaling mula sa kanilang hanay, ihayag ang mga katangiang ito nang may dangal at pagmamalaki, at iwasan ang masasamang asal na ginawa sa kanila ng ilang rasista at senopobong Tsino o Taiwanese. Ito ang pinakamagandang panahon upang tuklasin muli ng mga Filipino ang sarili at kultura, at itampok ang mga halagahang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay.
Tungkulin ng Tsina (at Taiwan) na pangalagaan ang mga karapatang pantao hindi lamang ng kanilang mga mamamayan, bagkus maging ng mga manggagawa, negosyante, at turistang Filipino. Ang mga karapatang ito ay dapat sensitibo sa kasarian ng babae. Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ito ng pamahalaang Tsina (at Taiwan), ang Filipinas ay kinakailangang magtaguyod ng solidaridad sa iba pang bansa upang mapangalagaan, hindi lamang ang mga Filipino bagkus maging ang ibang lahi na naninirahan sa Tsina at Taiwan.
Hindi malulutas ang rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya sa pamamagitan ng digmaan o suntukan. Kinakailangan ang multi-disiplinaryong pagdulog at taguyod ng iba’t ibang sektor upang mapalitaw ang pasensiya at karunungan imbes na silakbo at kamangmangan. Maaaring hindi sapat ang pagbubuo ng batas sa iba’t ibang antas, bagkus ang tumpak at episyenteng pagpapatupad nito. Makabubuti rin ang patuluyang diyalogo, lalo sa hanay ng negosyo at kalakalan, upang mabawasan ang mga bobo at demagogo. Kinakailangan ang pagbubuo ng mga programa at proyekto, gaya sa saliksik, seguridad at kalusugan, na makapagbubukas ng loob ng bawat isa, at magpapatibay sa toleransiya sa katangian ng bawat nilalang.
Nakakahiya ang Taiwan sa malubhang problema nito sa rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya laban sa mga Filipino. At ito ang dapat mabatid ng lahat ng Filipino.