Minahan ng Ginto sa Masbate

Napakalapit lamang ng Isla Masbate sa Maynila ngunit nakatago rito ang lihim na likas yaman. Nagluluwal ng 200 libong onsa ng bulawan ang Masbate kada taon, at katunayan, sang-anim [1/6] na ginto na matatagpuan sa buong bansa ay angkin ng nasabing isla, ayon sa websayt ng Leighton Asia. Binubutas, inuukit, at tinatabas ng Leighton Asia/Leighton Philippines ang kabundukan sa Masbate, upang pagkaraan ay tanggalin ang mahigit 14 bilyong tonelada ng basurang materyales at mahigit 14 bilyong tonelada ng mina [ore] sa loob ng walong taon.

Ibinunyag kamakailan ng Wikileaks na lumabag sa mga batas at reglamento ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc.  sa pagmimina sa Masbate, batay sa awdit report ng Bureau Veritas noong 2008. Ang Leighton Asia/Leighton Philippines ay pag-aari ng Leighton Holdings ng Australia, at pangunahing kontratista sa P2323 Masbate Gold Project.

Kabilang sa mga pagkukulang ng Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. ay ang sumusunod: una, lumabag ito sa OHSAS 18001 Occupational Health and Safety Series nang hindi nito isinaalang-alang ang buhay at kalagayan ng tao sa pagtukoy ng peligro at pagtatasa ng panganib; ikalawa, hindi sumunod ang kompanya sa mga reglamento kung katanggap-tanggap o hindi ang pagtatasa sa peligro.

Ayon pa sa natuklasan na pinangunahan ni Adarne Crispo, kasama sina Gayle Russel Capulong at Venson Ramos, at may petsang 20 Pebrero 2008, hindi sumunod ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa mga internasyonal na reglamento nang upahan nito ang mga di-awtorisadong tauhan sa paghawak at pagtesting ng radyoaktibong materyales. Hindi rin nasubok at walang sertipikasyon ang malalaking aparato sa mga kilalang organisasyon bago gamitin ang nasabing ekwipment. Nabigo pang iulat ng kompanya sa mga awtoridad ang isang aksidente nang ang IHI excavator ay mahulog sa malalim na hukay. Ang nasabing pagkukulang ay paglabag sa OSH Standard Rule, bukod sa inilingid sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at opisyal ng gusali. Nabatid ng pangkat na nag-inspeksiyon na dalawang tauhan ang nagpinta sa pook idrokarbon [hydrocarbon] nang walang permiso na magtrabaho.

Walang akreditadong praktisyoner sa kaligtasan ang kompanya, at walang natagpuan sa loob ng laboratoryo kung paano ang tumpak ng paghawak sa radyoaktibong materyales. May iba pang pagkukulang umano ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. na may kaugnayan sa pagsasapanahon ng aparato; pagkuha ng mga sertipiko sa kaligtasan ng pagsasakay sa barko at seguro sa mga pasahero; pagrepaso ng mga gamot at medisinang umaayon sa pamantayan sa kalusugan; at iba pang may kaugnayan sa kahusayan ng mga tauhan.

Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.

Aralin 1: Isang pagdulog sa tula ni Jemar Cedeño

Aralin 1: Isang pagdulog sa “Erehe” ni Jemar Cedeño

1              Makailang ulit na lumabis labis,
2              lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
3              galit na tuwirang bumasag sa bait,
4              bait na lugaming humalik sa hapis.

5              Pinanalanginang mapagtagumpayan,
6              na maipangalat nasawi ng liham;
7              upang mapag-uli buhay na naparam
8              ay hindi mautas sa dakong kawalan.

9              Nguni’t [sic] ang landasin ay dagling binuwal,
10           niyaong patnugot na kasuklam suklam,
11           hungkag na damdaming dinadalisayan,
12           ng siphayo’t dusang lubhang kalungkutan.

13           Wari’y paru-parong [sic] sa maunang tingin,
14           animo ay gandang walang di papansin;
15           nguni’t yaon pala’y ubod ng rimarim,
16           mabunying halimaw na kalagim lagim.

17           Kapita pitagang [sic] uod na dakila,
18           sa laman at buto’y lubhang mapanira;
19           matuwid na lakad pinapaging aba,
20           maikat’wiran [sic] lang ang sa kanyang nasa.

21           Nangagsipanago sa plumang maitim,
22           ng kabalakyutang walang kasing diin;
23           ni ang likong budhi’y di sisikmuraing
24           makipagkaniig sa musikong saliw.

25           Anupa’t ang langit sa kaitaasan,
26           tinakpan ng ulap ng kasiphayuan;
27           upang maitago ang luhang dumungaw,
28           sa silong ng matang nasukob ng panglaw.

Kargado ng pahiwatig ang salitang “erehe” na mula sa Espanyol na “hereje,” at kabilang sa mga pakahulugan nito bilang pangngalan, ayon sa Real Academia Española (2013), ay ang sumusunod: una, ang tao na sumasalungat sa mga dogma ng mga establisadong relihiyon; at ikalawa, ang tao na sumasalungat o isang akademya na bumubukod sa opisyal na linya ng opinyong ipinagpapatuloy ng institusyon, organisasyon, atbp. Kung gagamiting pang-uri, tumutukoy ito sa “walanghiya” at “balasubas”; at sa balbal na pakahulugan ay katumbas ng pagsasabi nang marubdob ngunit nakasasakit. Kung idaragdag ang balbal na pakahulugang ginagamit sa Cuba, ang erehe ay katumbas ng “pangit” o “di kaakit-akit” kung idirikit sa tao; o kaya’y mababa ang kalidad kung iuugnay sa bagay; o “napakahirap” kung idurugtong sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya.

Hindi magiging newtral na salita ang “erehe” kung gayon, lalo kung babalikan ang mga nobela ni Jose Rizal.  Sa Noli me tangere, magiging erehe si Juan Crisostomo Ibarra sa paningin ng mga frayle dahil sa pagtatangka nitong magtatag ng bagong paaralan, makaraang makapag-aral siya sa Ewropa; gaya lamang na naging erehe ang kaniyang amang si Don Rafael na tumangging magsimba at mangumpisal, alinsunod sa pananaw ni Padre Damaso, at nagdusa hanggang mamatay sa bilangguan dahil ipinagtanggol ang isang batang sinasaktan ng artilyero. Erehe rin si Elias sa pagnanais nitong iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan, at siyang sumasalungat sa mapagmalabis na patakaran ng Espanya. Sa El filibusterismo, ang “erehe” ay magkakaroon ng hugis sa mga katauhan nina Simoun (ang balatkayo ni Ibarra), Basilio, Kabesang Tales, Quiroga, atbp. Ang erehe kung gayon ay napakasalimuot na salita, at kung gagamitin itong alegorya o alusyon ay kinakailangang matatag ang sandigan nito sa loob ng tula.

Sa obra ni Jemar Cedeño na pinamagatang “Erehe” (2013), ang erehe ay marupok na ikinabit sa persona. Ang mga taludtod 1-8 ay mula sa isang tinig na nagsasalaysay hinggil sa sinapit na kasiphayuan ng isang maipagpapalagay na “erehe” ngunit kung ano ang pinaghihimagsikan nitong erehe ay malabo sa tula. Galit na galit umano ang isang manunulat, at nasiraan pa ng bait, ngunit kung bakit naging gayon ay hindi malinaw sa tula. Sa punto de bista ng pagtula, ang unang dalawang saknong (1-4, 5-8 taludtod) ay napakahalaga. Kinakailangang ipakilala muna kung sino ang hinayupak na erehe, at ipakilala ito sa isang pananaw na maaaring nakababatid sa kaniyang gawi o asal.

Kung ipagpapalagay na ang erehe ay isang manunulat na nagpadala ng liham sa isang patnugot [editor], ang patnugot ang nagdulot ng kalungkutan sa manunulat sapagkat maiisip na “mahinang sumulat” ang manunulat. Hindi agad ito mahihiwatigan, sapagkat nakalilito ang sintaks ng mga taludtod; at gumamit man ng isang anyo ng repetisyong gaya ng anadiplosis sa unang saknong ay nakapagpahina ito sa kabuuan upang maipakilala ang persona. Kung malabo ang tinutukoy na erehe, ang anumang larawan o pahiwatig na ikabit dito sa loob ng tula ay madaling guguho, at hindi na mapagtutuunan ang mga laro ng kapangyarihang mahuhugot sa istorikong alusyon o alegorya.

Isa pang problema sa obra ni Cedeño ay hindi binigyan man lamang ng pahiwatig kung sino ang patnugot. Kung gagawa ng tula, ang personang ipagpalagay nang isang manunulat ay dapat suhayan ng iba pang tauhang gaya ng editor. Hindi komo’t nagbanggit ng isang pangalan ang isang makata sa kaniyang tula ay sapat na. Kinakailangan ang paghahanda sa mga tauhan, sapagkat lalaylay ang mga pahiwatig nito kung gagamitin nang walang pakundangan.

Ang persona ay dapat ding ilugar sa isang pook o panahon. Ang paggamit ng salitang “erehe” sa kasalukuyang panahon ay dapat tumbasan ng pag-iingat upang hindi lumitaw na sinauna ang pagdulog sa tula. Nasaan ba ang persona sa tula? Walang nakaaalam. Maaaring ang persona’y nasiraan ng bait, at kung gayon nga, ang pook na kaniyang iniinugan ay maaaring sa daigdig ng imahinasyon. Ngunit nabigong maipakita ang gayon sa tula; at isang ehersisyo ng labis na pagbasa kung ipagpapatuloy ang nasabing haka.

Marupok ang mga taludtod 13-28. Binanggit ang salitang “paruparo” sa taludtod 13, ngunit kung kanino ito inihahambing o itinatambis ay malabo kung sa manunulat ba o sa editor. Maaaring sa editor, subalit nabigo muli ang awtor sa pagpapahiwatig kung bakit ang editor ay naging “paruparo” na sa unang malas ay marikit ngunit nang lumaon ay naging karima-rimarim, kung hindi man kahindik-hindik. Ang ginamit na taktika ng pagmamalabis sa deskripsiyon ay hindi nakatulong sa tula. Sa paggawa ng tula, ang pagsasaad ng mga larawan ng persona o kausap ng persona ay dapat kalkulado, masinop, at malinaw. Upang maipamalas na halimaw ang kausap ng manunulat-persona, kinakailangang marahan at sunod-sunod itong ipamalas kumbaga sa pagkakatalogo ng mga katangian.

Halimbawa ng pagkakatalogo ay una, “mapanira” at kung bakit naging ganito ay kinakailangan ng mga hulagway o imahen sa tula. Ikalawa, “mapagbalatkayo” raw ang kalaban ng persona, at muli kinakailangang patunayan ito sa loob ng tula. Madaragdagan pa ang mga imahen, alinsunod sa nais ng awtor. Naging OA ang tula ni Cedeño sapagkat naglista siya ng mga salitang gaya ng “kasuklam-suklam,” “siphayo,” “dusa,” “kalungkutan,” “aba,” at “luha” na pawang nabigong tumbasan ng mga pahiwatig na mag-aangat sa kalagayan ng persona. Ang mahuhusay na halimbawa ng pagkakatalogo ng mga salita ay matutunghayan sa mga tula nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, at Fidel Rillo.

Ang persona, na naipasok sa isang pook at panahon, ay malilinang sa anumang nais ng makata. Nais ba ng awtor na ipamalas ang “kasiphayuan” ng persona? Puwes, kinakailangang maglatag siya ng mga pangyayari o paglalarawan ng magsusukdol sa gayong layon. Hindi sapat ang paglilista ng mga salitang magkakatugma, na parang kolektor ka lamang ng mga magkakasingkahulugang salita. Kinakailangan ang masinop na pagsasaayos.

Ang kabulagsakan sa paggamit ng tugma ay mapapansin kahit sa mga taludtod 5-12 na pawang iisa lamang ang tugma (bbbb, bbbb), bukod sa tugmang karaniwan pa. Kung babalikan ang mga payo ni Lope K. Santos, ang tugma at sukat ay siyang panlabas na anyo ng tula o pisikal na katawan ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ay pinakakaluluwa. Sa paggawa ng tula, kahit ang paggamit ng tugma ay dapat umaayon sa damdaming nais ipahiwatig mula sa isang persona, pook, o panahunan. Hindi sapat na magkakatugma ang dulong salita ng mga taludtod; kinakailangang iayon ito sa partikular na damdaming nais ihayag sa tula.

Mapapansin din na hindi sumusunod sa makabagong ortograpiyang Filipino ang obra ni Cedeño, sapagkat kinudlitan pa ang “nguni’t” at “makat’wiran” na puwedeng gamitin ang “ngunit” at “makatwiran.” Ang “paru-paro” ay ginitlingan, gayong hindi na kailangan sapagkat hindi naman ugat na salita ang “paro” at kahit pa may salitang “paparó” na isang uri ng malaking kulisap. Napakahalaga sa isang makata na sumunod kahit sa makabagong ortograpiyang Filipino upang hindi magmukhang sinauna ang ispeling ng mga salita, maliban na lamang kung sinadya ito.

Sa pangkalahatan, ang mga taludtod 25-28 ay korni ang datíng sapagkat paanong malulungkot ang langit sa sinapit ng persona kung ang hindi alam ng langit ang pinagmumulan ng persona? Bago malungkot ang langit, dapat maipakita muna sa mambabasa na karapat-dapat kaawaan ang persona. Inapi ba ang persona-manunulat? Puwes, ilatag ito sa mga detalye. Ang makapangyarihang puwersa na umaapi sa persona ang nabigong ilahad o ilarawan sa obrang “Erehe” ni Cedeño. Ang pagiging erehe kung gayon ng manunulat o kahit ng patnugot ay wala sa lugar; ginamit lamang ang salitang erehe nang walang ingat at sapat na bait. Ang aral na ito ay dapat matutuhan kahit ng mga estudyanteng nagsisimulang tumula.

Ang Batas, ni Hissa Hilal

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Sa lilim ng puno, ni Emira Maewa Kaihu

Salin ng “Akoako o te Rangi” (1918) ni Emira Maewa Kaihu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa lilim ng punongkahoy

Taglay ang pag-ibig, ako ay lumilim
Sa gilid ng puno nang labis ang pagod;
Bumulong ng tamis ang ligaw na hangi’t
Sumilip, ngumiti sa lawas kong taos.

Lantay na tahimik pagguhit sa kilay
Ang simoy na usok sa kaluluwa ko;
Nanawag sa akin upang ang karimlan
Ay sindihang muli ng puso ng tao.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.