Aralin 1: Isang pagdulog sa “Erehe” ni Jemar Cedeño
1 Makailang ulit na lumabis labis,
2 lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
3 galit na tuwirang bumasag sa bait,
4 bait na lugaming humalik sa hapis.
5 Pinanalanginang mapagtagumpayan,
6 na maipangalat nasawi ng liham;
7 upang mapag-uli buhay na naparam
8 ay hindi mautas sa dakong kawalan.
9 Nguni’t [sic] ang landasin ay dagling binuwal,
10 niyaong patnugot na kasuklam suklam,
11 hungkag na damdaming dinadalisayan,
12 ng siphayo’t dusang lubhang kalungkutan.
13 Wari’y paru-parong [sic] sa maunang tingin,
14 animo ay gandang walang di papansin;
15 nguni’t yaon pala’y ubod ng rimarim,
16 mabunying halimaw na kalagim lagim.
17 Kapita pitagang [sic] uod na dakila,
18 sa laman at buto’y lubhang mapanira;
19 matuwid na lakad pinapaging aba,
20 maikat’wiran [sic] lang ang sa kanyang nasa.
21 Nangagsipanago sa plumang maitim,
22 ng kabalakyutang walang kasing diin;
23 ni ang likong budhi’y di sisikmuraing
24 makipagkaniig sa musikong saliw.
25 Anupa’t ang langit sa kaitaasan,
26 tinakpan ng ulap ng kasiphayuan;
27 upang maitago ang luhang dumungaw,
28 sa silong ng matang nasukob ng panglaw.
Kargado ng pahiwatig ang salitang “erehe” na mula sa Espanyol na “hereje,” at kabilang sa mga pakahulugan nito bilang pangngalan, ayon sa Real Academia Española (2013), ay ang sumusunod: una, ang tao na sumasalungat sa mga dogma ng mga establisadong relihiyon; at ikalawa, ang tao na sumasalungat o isang akademya na bumubukod sa opisyal na linya ng opinyong ipinagpapatuloy ng institusyon, organisasyon, atbp. Kung gagamiting pang-uri, tumutukoy ito sa “walanghiya” at “balasubas”; at sa balbal na pakahulugan ay katumbas ng pagsasabi nang marubdob ngunit nakasasakit. Kung idaragdag ang balbal na pakahulugang ginagamit sa Cuba, ang erehe ay katumbas ng “pangit” o “di kaakit-akit” kung idirikit sa tao; o kaya’y mababa ang kalidad kung iuugnay sa bagay; o “napakahirap” kung idurugtong sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya.
Hindi magiging newtral na salita ang “erehe” kung gayon, lalo kung babalikan ang mga nobela ni Jose Rizal. Sa Noli me tangere, magiging erehe si Juan Crisostomo Ibarra sa paningin ng mga frayle dahil sa pagtatangka nitong magtatag ng bagong paaralan, makaraang makapag-aral siya sa Ewropa; gaya lamang na naging erehe ang kaniyang amang si Don Rafael na tumangging magsimba at mangumpisal, alinsunod sa pananaw ni Padre Damaso, at nagdusa hanggang mamatay sa bilangguan dahil ipinagtanggol ang isang batang sinasaktan ng artilyero. Erehe rin si Elias sa pagnanais nitong iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan, at siyang sumasalungat sa mapagmalabis na patakaran ng Espanya. Sa El filibusterismo, ang “erehe” ay magkakaroon ng hugis sa mga katauhan nina Simoun (ang balatkayo ni Ibarra), Basilio, Kabesang Tales, Quiroga, atbp. Ang erehe kung gayon ay napakasalimuot na salita, at kung gagamitin itong alegorya o alusyon ay kinakailangang matatag ang sandigan nito sa loob ng tula.
Sa obra ni Jemar Cedeño na pinamagatang “Erehe” (2013), ang erehe ay marupok na ikinabit sa persona. Ang mga taludtod 1-8 ay mula sa isang tinig na nagsasalaysay hinggil sa sinapit na kasiphayuan ng isang maipagpapalagay na “erehe” ngunit kung ano ang pinaghihimagsikan nitong erehe ay malabo sa tula. Galit na galit umano ang isang manunulat, at nasiraan pa ng bait, ngunit kung bakit naging gayon ay hindi malinaw sa tula. Sa punto de bista ng pagtula, ang unang dalawang saknong (1-4, 5-8 taludtod) ay napakahalaga. Kinakailangang ipakilala muna kung sino ang hinayupak na erehe, at ipakilala ito sa isang pananaw na maaaring nakababatid sa kaniyang gawi o asal.
Kung ipagpapalagay na ang erehe ay isang manunulat na nagpadala ng liham sa isang patnugot [editor], ang patnugot ang nagdulot ng kalungkutan sa manunulat sapagkat maiisip na “mahinang sumulat” ang manunulat. Hindi agad ito mahihiwatigan, sapagkat nakalilito ang sintaks ng mga taludtod; at gumamit man ng isang anyo ng repetisyong gaya ng anadiplosis sa unang saknong ay nakapagpahina ito sa kabuuan upang maipakilala ang persona. Kung malabo ang tinutukoy na erehe, ang anumang larawan o pahiwatig na ikabit dito sa loob ng tula ay madaling guguho, at hindi na mapagtutuunan ang mga laro ng kapangyarihang mahuhugot sa istorikong alusyon o alegorya.
Isa pang problema sa obra ni Cedeño ay hindi binigyan man lamang ng pahiwatig kung sino ang patnugot. Kung gagawa ng tula, ang personang ipagpalagay nang isang manunulat ay dapat suhayan ng iba pang tauhang gaya ng editor. Hindi komo’t nagbanggit ng isang pangalan ang isang makata sa kaniyang tula ay sapat na. Kinakailangan ang paghahanda sa mga tauhan, sapagkat lalaylay ang mga pahiwatig nito kung gagamitin nang walang pakundangan.
Ang persona ay dapat ding ilugar sa isang pook o panahon. Ang paggamit ng salitang “erehe” sa kasalukuyang panahon ay dapat tumbasan ng pag-iingat upang hindi lumitaw na sinauna ang pagdulog sa tula. Nasaan ba ang persona sa tula? Walang nakaaalam. Maaaring ang persona’y nasiraan ng bait, at kung gayon nga, ang pook na kaniyang iniinugan ay maaaring sa daigdig ng imahinasyon. Ngunit nabigong maipakita ang gayon sa tula; at isang ehersisyo ng labis na pagbasa kung ipagpapatuloy ang nasabing haka.
Marupok ang mga taludtod 13-28. Binanggit ang salitang “paruparo” sa taludtod 13, ngunit kung kanino ito inihahambing o itinatambis ay malabo kung sa manunulat ba o sa editor. Maaaring sa editor, subalit nabigo muli ang awtor sa pagpapahiwatig kung bakit ang editor ay naging “paruparo” na sa unang malas ay marikit ngunit nang lumaon ay naging karima-rimarim, kung hindi man kahindik-hindik. Ang ginamit na taktika ng pagmamalabis sa deskripsiyon ay hindi nakatulong sa tula. Sa paggawa ng tula, ang pagsasaad ng mga larawan ng persona o kausap ng persona ay dapat kalkulado, masinop, at malinaw. Upang maipamalas na halimaw ang kausap ng manunulat-persona, kinakailangang marahan at sunod-sunod itong ipamalas kumbaga sa pagkakatalogo ng mga katangian.
Halimbawa ng pagkakatalogo ay una, “mapanira” at kung bakit naging ganito ay kinakailangan ng mga hulagway o imahen sa tula. Ikalawa, “mapagbalatkayo” raw ang kalaban ng persona, at muli kinakailangang patunayan ito sa loob ng tula. Madaragdagan pa ang mga imahen, alinsunod sa nais ng awtor. Naging OA ang tula ni Cedeño sapagkat naglista siya ng mga salitang gaya ng “kasuklam-suklam,” “siphayo,” “dusa,” “kalungkutan,” “aba,” at “luha” na pawang nabigong tumbasan ng mga pahiwatig na mag-aangat sa kalagayan ng persona. Ang mahuhusay na halimbawa ng pagkakatalogo ng mga salita ay matutunghayan sa mga tula nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, at Fidel Rillo.
Ang persona, na naipasok sa isang pook at panahon, ay malilinang sa anumang nais ng makata. Nais ba ng awtor na ipamalas ang “kasiphayuan” ng persona? Puwes, kinakailangang maglatag siya ng mga pangyayari o paglalarawan ng magsusukdol sa gayong layon. Hindi sapat ang paglilista ng mga salitang magkakatugma, na parang kolektor ka lamang ng mga magkakasingkahulugang salita. Kinakailangan ang masinop na pagsasaayos.
Ang kabulagsakan sa paggamit ng tugma ay mapapansin kahit sa mga taludtod 5-12 na pawang iisa lamang ang tugma (bbbb, bbbb), bukod sa tugmang karaniwan pa. Kung babalikan ang mga payo ni Lope K. Santos, ang tugma at sukat ay siyang panlabas na anyo ng tula o pisikal na katawan ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ay pinakakaluluwa. Sa paggawa ng tula, kahit ang paggamit ng tugma ay dapat umaayon sa damdaming nais ipahiwatig mula sa isang persona, pook, o panahunan. Hindi sapat na magkakatugma ang dulong salita ng mga taludtod; kinakailangang iayon ito sa partikular na damdaming nais ihayag sa tula.
Mapapansin din na hindi sumusunod sa makabagong ortograpiyang Filipino ang obra ni Cedeño, sapagkat kinudlitan pa ang “nguni’t” at “makat’wiran” na puwedeng gamitin ang “ngunit” at “makatwiran.” Ang “paru-paro” ay ginitlingan, gayong hindi na kailangan sapagkat hindi naman ugat na salita ang “paro” at kahit pa may salitang “paparó” na isang uri ng malaking kulisap. Napakahalaga sa isang makata na sumunod kahit sa makabagong ortograpiyang Filipino upang hindi magmukhang sinauna ang ispeling ng mga salita, maliban na lamang kung sinadya ito.
Sa pangkalahatan, ang mga taludtod 25-28 ay korni ang datíng sapagkat paanong malulungkot ang langit sa sinapit ng persona kung ang hindi alam ng langit ang pinagmumulan ng persona? Bago malungkot ang langit, dapat maipakita muna sa mambabasa na karapat-dapat kaawaan ang persona. Inapi ba ang persona-manunulat? Puwes, ilatag ito sa mga detalye. Ang makapangyarihang puwersa na umaapi sa persona ang nabigong ilahad o ilarawan sa obrang “Erehe” ni Cedeño. Ang pagiging erehe kung gayon ng manunulat o kahit ng patnugot ay wala sa lugar; ginamit lamang ang salitang erehe nang walang ingat at sapat na bait. Ang aral na ito ay dapat matutuhan kahit ng mga estudyanteng nagsisimulang tumula.
Maraming salamat po Ginoong Bob sa magandang puna na tinanggap ko mula sainyo. Magkagayunman susubukin ko pong ipaliwanag sa aking akda ang mga karakter o karakter na aking tinutukoy. Ako po ay lubos na nalulugod na ito po ay nabigyan ninyo ng panahon at napag aralan. marahil sa susunod pong pagbasa ninyo sa aking tulang EREHE ay magiging malinaw na din ang aking mga tauhan. Maraming salamat po muli. Pagpasinsyahan na po ninyo kung pinipilt kong gamitin ang sinaunang pagtulang Tagalog sapagkat nakikitaan ko po ito ng tamis at lubhang ako po ay nagagandahan sa mga sinaunang tula. Magkagayunman ang mga tula sa makabagong panahon ay patuloy pa rin ang pagningas dangan nga lang po sa kakulangan ng mga mambabasa sa kasalukuyan. Maraming salamat po muli.
LikeLike
Walang anuman, Jemar.
LikeLike
Let’s greet our host:
Happy 10th Birthday, WordPress !
LikeLike
Isang tagay sa WordPress.
LikeLike
Sana nga po may tagay haha.Maligayang kaarawan WordPress.
LikeLike
Ginoong Bob katulad po ng sinabi ko ay tuluyan ko na ngang binago ang tulang ‘Erehe’ upang maging malinaw kung sino nga siyang talaga. Heto po ang bagong ‘Erehe’:
http://panitiknijemar.blogspot.it/2013/06/erehe.html
Pero hindi ko po binago ang salitang ‘nguni’t’ at ‘ikaw’y’ dahil sinadya ko pong magmukhang sinauna ang tula datapuwa’t medyo mga payak lang ang mga salitang ginamit ko palibhasa’y hindi naman po ako bihasa sa lumang Tagalog.
Sana kahit kaunti ay nagkaroon po ng linaw ang aking karakter o mga karakter.
Maraming salamat pong muli.
LikeLike
G. Robert Anonuevo, nais ko rin po sanang idulog ang ilan sa aking mga tulang naisulat sa wikang Tagalog. May ilang beses na po tayong nagkadaupang-palad noong 2001-2002, noong ako po ay napili sa LIRA kung saan isa po kayo sa mga panelista. Kung mamarapatin niyo po, sana’y mabigyan niyo po ng panahon ang pagpuna sa aking akda. Muli, kailangan ko ng gagabay sa aking pagsusulat.
LikeLike
Walang problema. Kailangan ka lamang sumulat, at magpadala sa akin sa email.
LikeLike