Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.

6 thoughts on “Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

  1. Maraming salamat po Sir Bob sa pagsuri po ninyo sa aking tula. Ikinararangal ko po ito at hayaan n’yo po’t lalo ko pa pong paghuhusayan. Mangyari lamang po’y hindi ko napaglimian ang gamit ng bawat salita at magiging epekto nito lalo’t medyo naging mangmang ako sa paggamit ng malalabong sintaks. Salamat po sa pagbasa at medyo nagkaroon na naman po ako ng ideya sa susunod ko pong atake. At mukhang medyo sumablay po yung natitira pang apat.

    Like

  2. Sir, tanong ko lang po kung ang mga salitang iyon at iyan ay kailangang gamitin ng konsistent sa pagtulang may sukat at tugma, samantalang ang mga tinipil na salita nito na ‘yon at ‘yan ay iniiwasang gamitin, o isama man lang sa naunang mga salita? Dagdag ko rin po kung ipinahihintulot din sa pagtula ang mga salitang nung at dun?

    Like

    • Maaaring gamitin ang “iyon” at “iyan” at makabubuti kung konsistent ang gamit lalo sa pagtula. Ang iyon at iyan ay tiggalawang pantig lamang; at ang mga tigalawang pantig ay hindi na tinitipil lalo sa paggamit ng tugma’t sukat, kung pagbabatayan ang matatandang makata.

      Iwasan mo nang gamitin ang “nung” at “dun” (na pawang varyant lamang ng “noon” at “doon”) kapag tumutula. Hayaan mo lamang ang mga salitang iyan sa mga prosa, ngunit huwag na sa tula.

      Like

  3. Papaano po kung ang “nung” at “dun” ay gagamitin sa pag-uusap ng mga tauhan sa loob ng tula, mapahihintulutan po ba ito?

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.