Ang konsepto ng “daang matuwid” ay hindi orihinal na nagmula sa ating Pangulo na nagbanggit ng gayong mga kataga sa kaniyang mga talumpati. Ang “daang matuwid” ay humuhugot ng alusyon sa “katuwiran” ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, ngunit mahihinuhang lumilingon din sa heograpiya ng Filipinas na may malaking pagkakaiba ang anyo ng “kapatagan” at “kabundukan.” Pinakamabilis na transportasyon noon ang paggamit ng bangka o barangay sa tubigan; at ang mga ilog, lawa, at dagat ang pipiliing daan imbes na lupa para marating ninuman ang kaniyang nais.
Maiisip na ang “tuwid na daan” ay isang pagsasabi ng shortcut para mapabilis ang biyahe; samantalang ang “pasikot-sikot” ay tila pag-akyat ng bundok, na ang daan ay zigzag at paikot, at umaayon sa dati nang nahawing bagnos o kaya’y hubog ng bundok. Ang pag-akyat ay isang prosesong mabagal at mapanganib; kinakailangan nito ang pag-iingat upang maiwasan ang sakuna. Walang “tuwid na daan” kapag pinag-usapan ang tubigan, at mailalapat lamang ang ganitong konsepto sa lupain. Upang matupad ang “tuwid na daan,” kinakailangang hawiin ang landas nang walang patumangga, at patagin saka sementuhin ang lupa. Samantalang ang pasikot-sikot na daan ay gumagalang sa anyo ng lupain, nagpupugay sa kalikasan at sa orihinal na heograpiya.
Ang konsepto ng tuwid na daan ay maaaring lingunin sa pagbubuo ng mga bloke ng lupaing parisukat, na ang magkakanugnog na kalye at eskinita ay may sukat na 90˚ degrees ang kanto, at tinatawag na centuariation. Gumamit noon ang mga Romano ng mga instrumentong panukat [surveryor], at ito ang lumaganap sa Ewropa. Ang ganitong siyentipikong pagdulog sa paghahati-hati ng lupain ay hindi orihinal sa mga Romano, bagkus ipinakilala sa kanila ng mga Griyego. Kung babalikan ang kasaysayan ay maaaring lumingon pa sa mga sinaunang grid na matatagpuan sa Teotihuacan, Mexico, o kaya’y sa Iraq, Egypt, Pakistan, at China. Pinadadali ng grid ang paglalakbay; at ang mga pamayanan ay nahahati sa maginhawa, maayos, at maluwag na paraan.
Samantala’y kung lilimiin nang maigi, ang wika, gaya ng wikang Filipino, sa literal na pakahulugan, ay mahirap maging linear, at sabihin nang “daang matuwid” o kaya’y maikahon sa mga grid. Ito ay sapagkat pambihirang imbensiyon ng isang komunidad ang wika, at kung ang wikang ito ay nagtataglay ng gunita ng isang lipi o bayan ay magpapasanga ng mga kalye, anderpas, at tulay sa isip o loob. Magbubuo ito ng sirkito tungo sa bisyong gubat o lungsod, at kung hindi magiging maingat ay maaaring maligaw sa kung anong usapan ang tagapagsalita, at mailihis niya sa kung saang sukal ang kaniyang mga tagapakinig.
Ang wika ay nangangailangan ng pagtuklas at pag-unawa sa salita at konsepto sa panig ng tagapaghatid ng mensahe, at sa panig ng tagasagap ng mensahe. Ang pinagbubuhatan ng pahayag at ang sumasagap ng pahayag ay kinakailangang magkaroon ng batayan ng pagkakaisa kung paano uunawain ang mga salita, nang sa gayon ay sabay nilang matamo ang pagkakaunawaan. Humihirap minsan ang pagkakaunawaan dahil ang tagapaghatid ng mensahe ay gumagamit ng taktika ng ligoy—isang paraan ng pagsasabi na gumagamit ng banda kumbaga sa bilyar o heometriya—kaya ang dating simpleng pananalita ay nakakargahan ng nakagigitlang pakahulugan. Humihirap din ang komunikasyon sapagkat sa pagitan ng ating mga pandama at ng ating isip o guniguni, sabi nga ng kritikong S.V. Epistola, ay may salaan. At ang salaang ito ay may kaugnayan sa ating pagka-Filipino.
Ang wikang Filipino, sa paglipas ng panahon, ay rumirikit sa angkin nitong kabulaklakan at ligoy. May paraan tayong mga Filipino ng pagsasabi na malimit isinasaalang-alang ang kapuwa, pansin nga ni Dr. Melba Padilla Maggay. May “malapit na tao” tayong kausap, at may “ibang tao” na kausap. May “mukha” tayong inihaharap sa loob ng pamilya, na kaiba sa “mukha” na inihaharap sa publiko. Nagsasaalang-alang ang wika natin sa kapuwa at pamayanan, at itinuturing na ang kapuwa at pamayanan ay kabahagi ng katauhan. Habang lumalaon, kusang natutuklasan ng bawat isa ang bisa ng pagpapahalaga sa dangal, kapuwa, at kabansaan. Nakasasakit ng loob kung minsan ang wika ng ating Pangulo, halimbawa, sapagkat bagaman nagpapasaring siya sa mga tiwali at bulok na opisyal ng pamahalaan, at nagsasabi ng totoo, ang kaniyang pagsasakataga ay tahas sa punto de bista ng mga mamamayan, at ang pagiging tahas na ito ay umiiwa sa mga balat sibuyas at pusong mamon—na nagbubunga kung bakit ang mga kontrabida ay lumilitaw pa ngayong sugo ng Maykapal.
Ngunit ang wika natin ay inaasahang maging matuwid—kahit sa panig ng pagtataguyod ng bisyon. Ang wikang Filipino ay dumanas ng katakot-takot na sagabal at balakid, at kung hindi marahil nagpursige ang mga panitikero at dalubwika ay maaaring nabalaho na tayo sa kangkungan. Kailangan natin ang isang wikang mapagbuklod upang mabuo ang ating pagtanaw bilang isang bansa. Hindi maaaring mauna ang pagtataguyod ng kabansaan, saka ihuhuli ang pagbubuo ng wika, pansin nga ng kritikong si Dr. Isagani Cruz. Wika ang magiging kasangkapan natin sa mga komunikasyon at transaksiyon; at wika ang kakailanganin para makabuo ng batas o kapasiyahan, at nang matiyak ang awtoridad. Wika ang kailangan para umusad ang negosyo at kalakalan. Wika ang kailangan para magamot ang maysakit at maiwasan ang sakuna’t panganib; at wika ang kailangan para makapagtindig ng gusali at pabrika. Nagkaroon ng buto’t laman ang wika sa mga relihiyon, at ang modernong wikang ito ang humalili sa sagradong ugnayan sa elektronikong himpapawid. Kung babalikan natin ang Konstitusyong 1987, Filipino ang pambansang wika natin, at ang wikang ito ay dapat sinusuhayan ng iba pang taal na wika sa buong kapuluan.
Kung susundin natin ang isinasaad ng batas, ang Filipino ay hindi limitado sa ilang sabjek lamang. Ang Filipino ay dapat ginagamit sa mga kursong batas, inhinyeriya, siyensiya, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, atbp. Ngunit panaka-naka lamang ito nagaganap, at marahil tuwing sasapit ang Buwan ng Wika. Kaya ang dapat na ring pag-isipan natin, wika nga ni Dr. Galileo Zafra, ay kung bakit may pagsalungat ang mga disiplina o larang [field] sa pagpasok ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan. Kailangang may gumawa ng mga saliksik kung bakit tumututol ang mga hukom at abogado na mag-aral ng Filipino at gamitin ang Filipino sa mga pagdinig. Kailangang magsaliksik kung bakit nagbabantulot ang mga doktor at nars na mag-aral ng Filipino, samantalang ang kanilang propesyon ay nangangailangan ng matalik na ugnayan sa mga pasyente. Kailangang pag-aralan kung bakit nahihirapang pumasok ang aplikasyon ng wikang Filipino sa mga negosyo at kalakalan, gayong higit na makatutulong sa mga negosyante kung gagamitin ang Filipino sa mga transaksiyon. Hinihingi na rin marahil ng panahon na may gumawa ng disertasyon o tesis kung bakit ang kursong impormasyong teknolohiya ay hindi tinutumbasan ng mga kurso sa Filipino na maaaring makatulong sa pagbubuo ng mga programa sa kompiyuter o kaya’y pagsasalin ng jargon nito sa wikang alam ng nakararami.
Mahalaga ang wikang Filipino hindi lamang bilang lingguwa prangka bagkus bilang wika ng modernisasyon sa lipunang Filipino. Sa ganitong pagtanaw, ang Filipino ay dapat sinusubok sa pasulat na paraan, ngunit dahil ang ating mga institusyon ay labis na konserbatibo, at malimit na ikinakatwiran ang “kalayaang akademiko,” ang kalayaang ito ay nagiging pribilehiyo at maipapasa ng awtoridad sa nasasakupan nito.
Kung ipagpapalagay na ang Filipino ang wika ng instruksiyon sa mga paaralan (at Ingles, habang walang itinatadhana ang batas), saad ng Konstitusyong 1987, at ang Filipinong ito ay sinusuhayan ng mga taal na wika sa Filipinas, ang Filipino ay kailangang maging katanggap-tanggap sa mga nasa poder. Ngunit upang maganap ito, ang mga estudyante at guro ay dapat maihayag ang kanilang pagnanais sa naturang pangangailangan. Kung may matinding panawagan para gamitin ang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, ang susunod na hakbang ay pag-alam kung paano tutugunan ito. Ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ay dapat nag-iisip kung paano makapapasok ang Filipino sa iba’t ibang disiplina, imbes na tanggalin ang kursong Filipino para sa mga nais magpakadalubhasa rito.
Sa listahang ipinalabas ng CHED, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at De La Salle University-Manila ang akreditado bilang sentro ng kahusayan [Centers of Excellence] na pawang may programa sa wikang Filipino. Kabilang naman ang Mindanao State University-IIT at Polytechnic University of the Philippines-Manila na akreditado bilang sentro ng kaunlaran [Centers of Development] na may programa sa Filipino. Napakaliit ng bilang na ito; at kung ipagpapalagay na aabot na sa halos 100 milyon ang populasyon ng bansa sa darating na dalawa o tatlong taon, mas maraming bilang dapat ang sinasanay para makapagturo ng Filipino sa iba’t ibang disiplina.
Magiging kahali-halina ang Filipino sa bagong henerasyon ng mga estudyante kung makikita ng madla na may kinabukasan sa Filipino. Ang mga unibersidad at kolehiyo ay dapat may patuloy na ugnayan sa mga dominyo ng kapangyarihan, upang ang mga produkto ng mga ito ay madaling makahanap ng trabaho. Kinakailangang maibalik din ang mataas na pagkilala sa mga nagsipagtapos ng kursong Filipino, o nagpakadalubhasa sa Filipino, at magagawa lamang ito kung mababatid ng taumbayan ang mahigpit na pangangailangan para sa wika.
Ang sabjek na Filipino ay higit na kinakailangan sa mga larang at disiplinang naghahatid ng serbisyo publiko. Halimbawa, ang mga abogado, bangkero, doktor, guro, inhinyero, kawal, marino, musiko, negosyante, peryodista, siyentista, at iba pa ay kinakailangang may mga pag-aaral sa Filipino upang matamo nila ang epektibong komunikasyon, at nang maisalin sa wikang Filipino ang mga konseptong dating nasusulat sa Ingles. Maiisip sa ganitong pangyayari ang mahigpit na kolaborasyon sa panig ng mga dalubhasa sa Filipino at ng mga dalubhasa sa partikular na larang. Ang mga kawani ng PAG-ASA ay hindi kinakailangang gumamit ng Ingles sa kanilang paghahatid ng balita hinggil sa taya ng panahon; magagamit nila ang malalim na bokabularyo ng kapuluan upang ipaliwanag ang bagyo, daluyong, habagat, at iba pa.
Kung ang wika ay tuwid na daan, ang wika ay dapat maglapit sa dating magkakalayong mamamayan. Ang wika ay hindi dapat magamit para linlangin o kaya’y isahan ang kapuwa, at upang maganap ito ay kinakailangan ang malawakang edukasyon sa publiko. Kailangang may mga institusyong magbubuhos ng pondo para sa wika, imbes na lustayin ang pork barrel sa mga walang kapararakang luho ng katawan. Ang paglalaan ng P1 bilyon, halimbawa, para sa wikang Filipino ay napakaliit kompara sa iniulat na P10 bilyong ninakaw umano ni Janet Napoles. Ang P1 bilyon ay sapat na para makapagsanay ng mga guro at iba pang espesyalista; makapagpatayo ng laboratoryo at museo ng wika; makapagpalathala ng mga babasahing magagamit sa iba’t ibang disiplina; o makapagpasimula ng mga makabagong teknolohiya na magpapalaganap at magpapanatili ng wikang Filipino sa cyberspace.
Ang malalaking negosyo ay maaaring maglaan ng pondo para sa pagsasanay sa Filipino at iba pang wikang lalawiganin. Ang mga grupo ng propesyonal ay maaaring magpundar ng pondo para sa mga pagsasanay sa wika ng kanilang hanay. At ang mga konsumidor ay maaaring maglaan ng maliit na porsiyento ng kanilang napamili para sa pagsusulong ng Filipino. Ang ganitong hakbangin ay tila pangarap na mahirap abutin. Ngunit kung nais natin ang matuwid na daan, at hangad na ang wika ay maging matuwid, inaasahan sa atin ang walang humpay na sakripisyo at pagpupunyagi.
Hello! May we invite you to the Tagalog Bloggers Society? https://www.facebook.com/groups/TagalogBloggersSociety/
LikeLike
Hindi ako makasasali sa inyo dahil wala akong facebook account. Ngunit lagi akong bukás sa pagtangkilik sa mga grupo ng manunulat, lalo’t Filipino ang pinakaugat.
LikeLike