Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.
Ibig ko ang katahimikan
Iwanan ako ngayon nang matiwasay,
at masasanay din sa aking pagkawala.
Ipipinid ko ang aking mga mata.
Ibig ko lamang ang limang bagay,
limang ugat na kinikilingan.
Isa ang walang hanggang pag-ibig.
Ikalawa ang masilayan ang taglagas.
Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon
na lumilipad at bumubulusok sa lupa.
Ikatlo ang taimtim na taglamig,
ang itinangi kong ulan, ang haplos
ng apoy sa mabagsik na ginaw.
Ikaapat ang tag-araw,
na bilugan gaya ng makatas na milon.
At ikalima, ang mga mata mo.
Matilde, aking mahal,
mababalisa ako kapag wala ang paningin mo,
mapaparam ako kapag naglaho ang titig mo;
ipapaling ko ang tagsibol
upang ako’y sundan ng iyong mga mata.
Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.
Malapit sa wala at matalik sa lahat.
Makaaalis na kayo kung ibig ninyo.
Sukdulan akong namuhay, at balang araw
ay sapilitan ninyo akong lilimutin,
saka buburahin sa pisara:
Walang kapaguran ang aking puso.
Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,
huwag isiping mamamatay na ako.
Ang kabaligtaran ang totoo:
magaganap na ako’y mabubuhay.
Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.
Hindi ako magiging nasa loob ko,
na isang supling na nabigong sumibol
mula sa butil, at bumiyak ng luad
upang makatanaw ng liwanag,
ngunit ang Inang Bayan ay madilim,
at, sa loob ko, ako ang karimlan.
Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y
pinag-iiwanan ng mga bituin
at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.
Palaisipan ang mamuhay nang lubos
kaya nais ko pang lumawig ang buhay.
Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,
at ni hindi nalunod sa labis-labis na halik.
Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.
Kasaliw ng sinag ang lipad ng mga bubuyog.
Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.
Pahintulutan ako na muling isilang.