Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.
May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].
Anyo ng Filipino
Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.
Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino na gamitin sa panukalang konstitusyon dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal (kanal).
Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico (panatiko), fantastico (pantastiko), farol (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones (kihones), quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).
Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.
Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\ sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).
Salin at Promulgasyon
Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.
Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]
Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”
Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.
Pangunahing teksto at Salin
Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino. Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.
Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.
Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:
I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]
Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.
Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]
Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na batas na may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.
Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.
Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:
THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.
Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.
MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.
THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.
MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.
THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.
MR. MONSOD: For legal purposes.
MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.
Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]
Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”
Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.
Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.
Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]
Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:
On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]
Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.
Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.
Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.
Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.
Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.
Usapin ng salin sa Filipino
Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.
Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon o kaya’y pagtanggi sa bagong konstitusyon.
Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.
Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.
Kaso ng sagisag at eskudo de armas
Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.
Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.” Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaig—sa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.
Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.
Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”
Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.
[“Filipino” sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng “Filipinas” ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng “Filipinas” at “Filipino.”]
Mga Tala
[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.
[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.
[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.
[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166
at inilathala ng Ateneo de Manila University.
[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.
[vi] Ibid., p. 1191.
[vii] Ibid., 1190.
[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.
[ix] Ibid., 1191.
[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.
[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.
[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.
[xiii] Ibid., p. 971.
[xiv] Ibid., p. 973.
[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.
[xvi] Ibid., p. 974.
[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.
[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.
[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”
[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.
[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.
[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.
[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.