Magtataka marahil kayo kung bakit simbilis ng kabayong kumawala sa kuwadra ang pagbubuo ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan na ito, na nagkataong ginaganap sa Taon ng Kabayo alinsunod sa kalendaryo ng mga Tsino. Hindi po nakikipagkarera ang mga organisador nito, bagkus nais habulin ang panahon na pawang nasayang noong nakalipas na administrasyon. Para sa kabatiran ng lahat, ang summit na ito ay naiplano may tatlong taon na nakalilipas, sa ilalim ng administrasyon ng dating tagapangulong komisyoner na hindi ko na nais pang banggitin ang pangalan, ngunit waring hindi handa bukod sa walang pagkukusa ang dating pamunuan upang isakatuparan ang ganitong grandeng lunggati.
Nang ilatag ni Kom. Lorna Enderes Flores ang ídea ng pambansang summit hinggil sa wika ay hindi ako nagulat sapagkat kumakatawan si Kom. Flores na isang Higaonon sa mga wikang mula sa Katimugang Pamayanang Kultural. Ngunit kinabahan ako sa gagastusin sa naturang pagtitipon, sapagkat ang unang tantiya ko ay aabutin ng milyon (na hindi naming kaya sa KWF) at maaaring hindi payagan ng Department of Budget and Management (DBM). Mabuti na lamang at lumitaw ang usaping kinasasangkutan ni Jeanette Lim Napoles, sumaklolo ang gaya ni Sen. Loren Legarda, at parang hulog ng langit na binigyan ng pondo ang KWF para matuloy ang pagtitipon. Nagkataon din na tinangkilik ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino ang plano, buong puwersang tumulong ang Bukindnon State University. Kasaysayan na ang sumunod.
Mahalaga ang summit na ito sapagkat ito ang kauna-unahang seryosong pagtitipon na pag-uusapan ang mga wikang taal sa Filipinas tungo sa pagpapalawig ng kapayapaan, at inorganisa ng isang ahensiyang pangwika ng pamahalaan. Kung ang mga wika ang mayamang kamalig ng karunungan ng bansa, hindi lamang dapat magpakilala ang mga ito sa bawat pangkat etniko, bagkus sa antas ng progreso ng ating sibilisasyon. Nagiging malaking usapin ang wika sapagkat may kasaysayan na tayo hinggil sa pagkakawatak-watak dahil kailangan pa nating manghiram ng wika sa banyaga upang mabuo ang kasunduang panlipunan para maunawaaan ng mga dayuhan at siyang naglalagay sa alanganin sa mayorya ng mga mamamayan.
Maging sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987 ay ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang Ingles, at dahil ito ang nakapangibabaw na wika sa mga talakayan, ang anumang pagtatalo hinggil sa nilalaman at pakahulugan ng mga salitang umaabot sa layuning legal ay dapat lutasin sa Ingles imbes na sa Filipino. Kaya kahit sabay ipinromulga ang mga tekstong Ingles at Filipino ng Konstitusyong 1987, hanggang sa simbolikong antas lamang ang pagkakapantay nito, pansin nga ni Blas F. Ople, at hindi sa antas ng operasyon.
Sa summit na ito ay susubukin natin ang wikang Filipino bilang lingguwa prangka ng mga Filipino na pawang nagmula sa iba’t ibang pangkat etniko. Ngunit hindi natin pag-uusapan ang wika lamang sa de-kahong pagdulog na akademiko, gaya ng inaakala ng mga lingguwista o sosyolingguwista; hindi rin natin pag-uusapan ang “kapayapaan” na parang adyenda ng ideologo o politiko o sundalo. Pag-uusapan natin ang wika bilang pamana ng ating mga ninuno tungo sa pagkakamit ng makabuluhang kapayapaan alinsunod sa pangangailangan ng mga pamayanan. Hindi ituturing na ang isang wika ay higit na matimbang kompara sa ibang wika, bagkus ang lahat ng wika. Kailangan ito nang maiwasan sa hinaharap ang mga sigalot at armadong tunggalian at nang makapagmungkahi ng mga epektibong hakbang sa pamahalaang lokal o pamahalaang nasyonal. Sa ganitong yugto, makabubuti marahil kung tutuklasin muli natin ang mga katutubong konsepto natin ng kapayapaan at diskursong Filipino sa pinakamatayog nitong katangian. Ito ay masasabing isang paglingon sa pinanggalingan dahil ibig nating maabot ang paroroonan na inaasahang makatarungan, maginhawa, at matiwasay.
Hindi dapat mangamba ang sinuman hinggil sa kanilang nais ipahayag.
Ang tungkulin ng KWF ay gampanan ang mandato nitong patuloy na paunlarin ang pambansang wika na nakasalig sa mga wikang panrehiyon, alinsunod sa Konstitusyong 1987 at Batas Republika Blg 7104. Ito ang dahilan kung bakit nagpupursige ang KWF na likumin ang lahat ng maaaring makuha mula sa mga wikang katutubo at ipaloob sa pambansang bongkatol ng mga wika at diskurso. Ito ang dahilan kung bakit abala ang KWF sa pagbubuo ng modernong ortograpiya at gramatikang pambansang lumalampas sa dating hanggahan ng “Pilipino” at “Tagalog.” Tungkulin natin na matamo ang ebolusyon ng Filipino sa pinakamabilis ngunit epektibong paraan—nang lampas sa itinatadhana ng mga batas–nang walang isinasakripisyo sa panig ng mga katutubong wika.
Sa kabilang dako, masasabing tungkulin ng panig ng mga kalahok sa summit na ito na ihayag ang kani-kanilang gawaing pangkayapaan sa kanilang antas na ang tinig ay nagbubuhat sa ibaba paitaas, sa paniniwalang makatutulong ito para makabuo ng pambansang programa na may kaugnayan sa kapayapaan. Isang anyo ng ambagan ang mga magaganap na palihan o diskurso; at ang usapan ay hindi isahang daloy at linear na ang impormasyon ay nagmumula sa lamang sa isang panig. Inaasahang magiging maatikabo ang daloy ng komunikasyon, hitik sa damdamin ngunit matalino at kalkulado, nang makapagluwal ng mga kabatiran at kaisipang pakikinabangan ng mga tao.
Ang bisyon ng KWF hinggil sa pambansang na summit na ito ay karugtong ng isa pang dakilang lunggati: ang pagtatatag ng “Kandungan ng Wika at Kultura” sa Lungsod Iligan, at ipapaliwanag mamaya ni Kagalang-galang Trinidad Dela Torre-Cardona. Ang Mindanaw, sa darating na panahon, ay inaasahang magiging pandayan ng mga wika at kalinangan sa buong Filipinas; at kung papalarin ay magaganap din doon dalawang taon mula ngayon ang isang internasyonal na kumperensiya na pangangasiwaan ng KWF para itanghal sa daigdig ang kariktan at lalim ng ating mga katutubong wika.
Inaasahan kong aktibo kayong makikilahok sa mga talakayan nang taglay ang malasakit sa ating pinagmulang pamayanan, at sa patuloy na pagbubuo ng ating konsepto ng kabansaan. Sa aking pakiwari, at maaaring ako’y nagkakamali, ang pagkakakilala ng mga Filipino sa wikang Filipino ay parang gabi: madilim, at kaya umaasa tayo sa tanglaw ng buwan o gabay ng bituin, samantalang nakansandig palagi sa maidudulot na reimbensiyon ng liwanag sa tulong ng elektridad o likas-kayang pag-unlad. Ngunit ang gabi, ayon nga sa kawikaan, hindi man hukayin ay ano’t kusang lumalalim. Itinatadhana ng gabi ang siklo ng pagbabago ng katauhan at kaligiran sa bisa ng paghahanap ng liwanag at kusang pagsilang ng liwanag.
Hindi magwawakas sa gabi ang ating mga wika. Ang katotohanang naririto kayo ngayon para makilahok at mag-ambag ng kaalaman hinggil sa wika at kapayapaan ay isang patunay na hindi magiging madilim ang hinaharap ng wikang Filipino, para sa lahat ng Filipino, saanmang panig ng mundo sila naroroon.
Muli, magandang umaga sa inyong lahat, at isang karangalan ang magsalita sa inyong harap.
[Pambungad na talumpati ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan, na ginanap noong 13-15 Pebrero 2014, sa Pook Kaamulan, Malaybalay, Bukidnon. Dinaluhan ang nasabing makasaysayang pagtitipon ng mahigit 100 pinuno ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Visayas, at Luzon.]