Napapanahong titigan ang tema ng Araw ni Balagtas (2 Abril 2014) ngayong taon: “Bayan, Bayani, at si Balagtas.” Tinitingki ng nasabing tema ang pagpapahalaga sa konsepto ng “bayan” at “bayani” at sumasakay sa makasaysayang peregrinasyon sa ngalan ni Francisco Balagtas Baltazar sa tatlong pook: Maynila, Bulakan, at Bataan. Nagtipon-tipon hindi lamang ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, bagkus ang mga manunulat, guro, dalubwika, at alagad ng sining upang gunitain sa pamamagitan ng lakbay-panitik ang tatlong pook sa mga yugto ng buhay ni Balagtas bilang manunulat.
Ang nasabing lakbay-panitik ay isang paraan ng paggunita sa dakilang makatang nagluwal ng diwaing “bayani” at “bayan” na hindi maiiwasang gamitin din ng gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa kani-kaniyang diskurso. Ang pagkakaroon ng dalawang apelyido ng makata (“Balagtas” nang isilang, “Baltazar” naman nang ikasal at mamatay) ay tila pahiwatig ng magaganap ng pagtatagpo ng katutubo at banyaga sa kaniyang akda, na ang resulta’y pinaghalong katauhan ng modernisasyon.
Kung babalikan ang Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang konsepto ng “bayan” at “bayani” ay kaugnay ng agawan ng kapangyarihan (na matataguriang “kudeta” sa ngayon) sa kaharian ng Albania, at sa agawan ng babae (“sexual assault” sa terminong legal) sa kaharian ng Persia at Albania. Maiuugnay din ang “bayan” sa tunggalian ng Albania at Persia, na ang Persia ay nadehado nang sumalakay ang hukbong Albania; at ang “bayani” ay halos katumbas ng “matapang” na iniuugnay sa “mandirigma” o “kawal” na tagapagtanggol ng teritoryo, kapangyarihan, at dangal. Ang hari ng Albania at ang hari ng Persia ay tila yin at yang kung hihiramin ang konsepto ng mga Tsino, na ang isa’y ginapi (mahina) at ang ikalawa’y nanggapi (malakas). Gayunman, malakas ang hukbong sandatahan ng Albania sa kabila ng mahinang pamamahala ni Haring Linceo; samantalang mahina ang hukbong sandatahan ng Persia sa kabila ng pagiging diktador ni Sultan Ali Adab.
Sa Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang unang banggit ng salitang “bayani” ay patungkol ay isang bantog na gererong Moro na si Aladin, na nagligtas kay Florante mula sa mababangis na halimaw doon sa gubat. Ang “bayani” sa tula ay mahihiwatigang katumbas ng pinaghalong “katapangan” at “kawanggawa.” Isang kakatwang pangyayari ito, sapagkat ang mortal na magkaaway ay pinagtagpo sa ilang, at ang tao na inaasahang papatay sa kaniyang kalaban ang siya pang naging tagapagligtas. Sa ganitong pangyayari, ang pagiging “bayani” ay iniangat ni Balagtas sa mataas na diskurso mula sa dating diskurso ng “armadong digmaan” at “pagpapatayan” ng dalawang bayan tungo sa pagiging “tagapagligtas ng bayan.”
Ngunit hindi doon nagtapos si Balagtas. Si Laura, na tangkang gahasain ni Adolfo sa gubat, ay sinagip ni Flerida na asintadong mamamana. Si Flerida naman ay tumakas tungong gubat upang lumayo kay Sultan Ali Adab na nais siyang gahasain. Pinagtagpo ang dalawang dilag sa gubat, na nagsilbing kanlungan ng kalayaan. Gubat din ang magiging tagpuan ng magkapares na mangingibig (Florante at Laura; Aladin at Flerida). Sa yugtong ito, ang konsepto ng “gubat” bilang lunan ng “panganib” at “dilim” ay naging “seguridad” at “liwanag.” Ang magkapares na Aladin at Flerida, at Florante at Laura, ang magpapahiwatig ng pagsisimula ng bagong sistema ng pamunuan, at siyang magpapabago sa sinaunang pamamaraan ng pamamahalang hitik sa katiwalian, karahasan, at kawalang-katarungan.
Isa pang halimbawa ng konsepto ng “bayani” ay kinakatawan ni Minandro, na sumagip kay Florante kay Adolfo, at siyang nanguna sa hukbong gagapi sa mga kaaway. Ang unang pagiging bayani ni Minandro nang iligtas si Florante laban kay Adolfo’y noong sila’y kabataan pa, at sa yugtong ito, ang pagiging bayani ay katumbas lamang ng pagiging matapang na mandirigma (personal na antas). Ngunit sa ikalawang pagkakataon, ang pagiging “bayani” ni Minandro ay ipinamalas sa tula nang tumulong siya kay Florante para makabalik sa Albania at maghasik ng kontra-himagsikan. Sa yugtong ito, ang konsepto ng “bayani” ay naghunos sa pagiging “gawaing panlahat,” at siyang sinundan ng Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.
Sa dulong bahagi ng awit, sina Aladin at Flerida ay tutulungan nina Florante at Laura na makamit muli ang kanilang kaharian, nang mamatay si Sultan Ali Adab. Bagaman ang kumbersiyon nina Aladin at Flerida na ipinahihiwatig ng pagbibinyag [1] ay waring pagtalikod sa kanilang kinagisnang relihiyon, magbabalik sila sa Persia upang magpasimula ng bagong politika. Sa ganitong pangyayari, ang pagbabalik sa sariling bayan ay ipinahihiwatig na napakahalaga at higit sa dapat itadhana ng relihiyon. Isa pang taktika na ginawa ni Balagtas ay walang direktang banggit sa “diyos” o “santo” ng mga Kristiyano sa kaniyang tula. Ang “diyos” (dios) na binanggit ni Balagtas ay tumutukoy kay Cupido at hindi kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Kristiyano” ay iniwasan sa tula, at mahihiwatigan lamang ito kung itatambis sa pahiwatig na “Moro” na tumutukoy sa panig nina Aladin at Flerida.
Umaabot sa 136 salitang Espanyol [2] ang nakapasok sa korpus ng Tagalog sa Florante at Laura ni Balagtas. Pawang pangngalan [noun] ang naturang mga salita, na tumutukoy sa tao, pook, at bagay. Ang introduksiyon ng mga hiram na salitang banyaga ay isang paraan ng pag-aangkin, na sa termino ng kritikong Virgilio S. Almario, ay bahagi ng proseso ng naturalisasyon. Bagaman gumamit ng mga salitang Espanyol si Balagtas sa kaniyang tula, ang nasabing mga salita ay naging palamuti lamang at higit na nanaig ang katutubong konsepto ng “bayani” ng Tagalog.
Makabubuting pansinin ang pamagat ng awit ni Balagtas. Nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Grecia noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Grecia at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Grecia. Ginamit lamang niya ang gaya ng “Grecia,” “Albania,” “Persia,” at “Etolia” sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan. (Nilansi ni Balagtas ang awtoridad ng Simbahang Katolika at gobyernong kolonyal na Espanyol upang mapalusot ang kaniyang subersibong akda.)
Ang “Katagalugan” na ito ang ipapakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na tumutukoy sa kapuluan ng bansa natin. Ayaw nilang tawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog.” Mabibigo sina Bonifacio at Jacinto, ngunit ang pagiging Tagalog ay mananatili naman bilang batayan ng wikang Filipino at kikilalanin sa Konstitusyong 1987—na isa nang malaking tagumpay ng mga bayani ng panitikan sa ating kapuluan.
Dulong Tala
[1] Sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ang “binyag” ay hango umano sa Borneo, at katumbas ng “paghuhugas ng tubig.” Isang ministro ni Mahoma (Muhammad) ang nagsasagawa ng ritwal na ito sa mga katutubo na hindi pa nabibigyan ng aral ng Islam. Nang lumaon, ang salitang “binyag” ay inangkin umano ng mga Kristiyano at itinumbas sa ritwal ng sagradong bawtismo. Kung babalikan ang tula ni Balagtas, ang konsepto ng pagbibinyag kina Aladin at Flerida ay hindi kumbersiyon sa Kristiyanismo, bagkus simpleng “paghuhugas ng tubig” para sa pagsisimula ng bagong relasyong mag-asawa.
[2] Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).