salin ng “Historia de mi muerte” ni Leopoldo Lugones mula sa Argentina
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas
Salaysay ng aking Kamatayan
Napanaginipan ko ang kamatayan at ito’y napakapayak:
Binilot ako ng mga sedang hibla,
at bawat halik mong pumipihit
ay kumakalag sa buhol ng pagkatao.
At bawat halik mo’y
isang araw;
at ang panahon sa pagitan ng dalawang halik
ay gabi. Payak lamang ang kamatayan.
At paunti-unti ay lumalarga nang kusa
ang nakamamatay na hibla. Hindi ko iyon kontrolado
bagkus ang munting bagay sa pagitan ng mga daliri . . .
Pagdaka’y naghunos kang malamig,
at hindi na muli akong hinagkan . . .
Pinawalan ko ang sinulid, at naglaho ang aking buhay.