Hango sa Fragments d’un discours amoureux (1977) ni Roland Barthes
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Láwas ng Ibá
corps / láwas
Anumang diwain, anumang pakiramdam, anumang interes na napukaw sa mapagmahal na simuno ng minahal na lawas.
1. Hatî ang láwas ng iba: sa isang panig, ang angkop na katawan—balát, mga mata—malambot, mainit; at sa kabilang panig, ang tinig—mabilis, tahimik, at nakapailalim sa pagpapamaktol ng kalayuan, ang tinig na hindi nagbigay ng kung ano. O kung palalawigin: sa isang panig, ang malambot, mainit, magaan, marikit na katawan, at sa kabilang panig, ang umaalunignig, buo, at makamundong tinig—ang malimit na tinig.
2. Minsan ay pumukaw sa akin ang isang diwain: Nahuli ko ang sariling maingat na sinisiyasat ang minahal na katawan (gaya ng tagapagsalaysay na minamasdan ang natutulog na si Albertine). Ang magsiyasat ay nangangahulugang maghanap: Hinahanap ko ang lawas ng iba, na waring nais kong masilayan kung ano ang nasa loob niyon, na tila ang sanhing mekanikal ng aking pagnanasa ay nasa kasalungat na lawas (Ako ay tulad ng mga bata na binabaklas ang orasan upang matuklasan kung anong oras na). Isinasagawa ang operasyong ito sa anyong malamig at gulantang; Ako ay panatag, alerto, na parang hinaharap ang isang kakatwang kulisap na sa kisapmata’y hindi ko na kinatatakutan. Ilang bahagi ng katawan ay angkop sa ganitong pagmamasid: pilik, kuko, buhok sa anit, ang mga di-ganap na bagay. Malinaw na ako ngayon ay nasa proseso ng pagnanasa sa bangkay. Gaya ng pinatunayan ng katotohanang kung ang lawas na aking sinusuri ay nagkataong lumitaw mula sa kawalang-tinag nito, kung nagsimula iyon sa paggawa ng kung anong bagay, magbabago ang aking pagnanasa; kung halimbawa’y nakita ko ang iba na nag-iisip, nagwawakas ang aking pagnanasa na maging baluktot, magsisimula ulit yaon na maging guniguni, at magbabalik ako sa isang Hulagway, sa isang Kabuuan: muli, ako’y umibig.
(Ako’y nakamasid sa lahat ng bagay sa mukha ng iba, at nakatitig nang malamig sa ibang katawan: mga pilik, kuko sa paa, manipis na kilay, manipis na labi, kislap ng mga mata, nunal, paraan ng paghawak ng sigarilyo; napahanga ako—ang paghanga, na bukod sa lahat, ang tanging sukdulang pagkakahiwalay—sa uri ng kinulayang sineramiko, kristalinang piguriya na kaya kong basahin, nang walang pag-unawa sa anumang bagay hinggil doon, ang sanhi ng aking pagnanasa.)