Blood Moon

Nakasisilaw ang ginintuang buwan dito sa Sagada, at habang nakatanaw ako sa terasa ng Yoghurt House, ang humahabol sa aking guniguni ay bus sa Halsema. Tinatakpan ng ulop ang kabundukan, na parang binuksang pabrika ng yelo, at ang landas ay dambuhalang ahas na gumagapang nang lasing. Nakasakay ang iyong kaluluwa sa aking balikat; at kahit ako tumutungga ng tsaang gubat, ang nagugunita ko’y mga taludtod ni Marne Kilates hinggil sa kadena at kadensa ng mga liryo. Ang iyong labi ay isa ring liryong bumubukad sa madaling araw, at ang hininga’y halumigmig ng bakod ng mga pino mula sa hilaga. Iyan ang kumukurot sa aking guniguni, at paniniwalaan kahit nagretiro na akong tumula. Hahalakhak ka—doon sa silid ng mga anino— at magbabalik ang alingawngaw mula sa lambak. Maniniwala na akong gusgusing siste ang lamig na tumatagos sa buto, ngunit kung ang tinig mo’y panggabing huni, kusa akong maglalagos sa mga yungib—at handang mabasâ ang mga paa sa saluysoy ng kailaliman.

 “Blood Moon,” ni Roberto T. Añonuevo © 18 Abril 2014.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.