Nabibingi ako tuwing lumalayo sa iyo, at tumitimo sa karimlan ng aking isip ang kabundukan ng brilyante. Umalis sa kailaliman ng gabi, ang bus ay inihahatid ako sa lungsod na higit na nakasisilaw sa iyo. Kabesado ng tsuper ang matatarik, kumukurbang kalsada kahit yata nakapikit. Nauunawaan ng aking mga buto ang lamig; at natatanto ng lamig ang kalabisan na mautal sa halimuyak ng matatandang pino. Lumulusong ako sa paikot, maulop na mga bangin kahit wala rito ang aklat ni Borges: Tatanungin ko ang karimlan kung hinuhubog nito ang anito, at kung bakit kumikirot ang aking pandinig. Ano ang musika ng paglalakbay? Sumasagot ang dilim sa pamamagitan ng mga ambon. Lumuluha sa hamog ang salamin ng bus. Walang patid na biyahe ang nais ko; at kung ikaw ang aking lungsod na paroroonan, hindi ako matatakot na mabingi, gaya ng bathalang nagpakumbaba at lumakad sa lupa. Sumasapit ako sa iyo hindi upang makarinig; lumalapit ako sa iyo upang ikaw ay makaniig, at malasap ang ganap na pakikipagsapalaran—alinsunod sa tadhana ng bituin, apoy, panaginip. . . .