Pakiramdam ng Pagiging Guro, ni Idries Shah

Salin ng “How it Feels to be a Teacher” ni Idries Shah mula sa India.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Itinampok ang pagkaguro sa kathang Nurbakshi sa ganitong paraan:

“Ang guro ay tila dalubhasang artesano sa isang bayan na ang mga tao’y hangad ang likhang-sining ngunit pinapangarap na isagawa iyon sa gitna ng dilim. Siya ay parang agila sa loob ng hawla, na pinagkaitang lumipad at makatanaw, ngunit inuupahan ng mga tambay para sa kalugurang biswal. Siya ay waring leon sa malalim na hukay, na pinapainan ng mga mangmang at hinahangaan ng mga tao na mahilig magsuot ng kalawanging abrigo. Kaparis siya ng langgam, na nakaimbento ng bahay, at nangangarap na mahihimok niya ang tao na tularan siya. Para siyang uwak, at nagpapamalas sa tao kung paano ililibing ang kaniyang mga yumao, habang nakamasid ang tao at nagugulumihanan, yamang batid niyang kaya niyang matuto subalit hindi isinasahinagap kung ano ang dapat matutuhan mula sa ginagawa ng uwak.

“Lahat ng Mago ay dapat matuto kung paano isasalin sa sinuman ang taglay na karunungan. Ngunit magagawa lamang nila iyon kung ang mag-aaral ay bukás matuto ng kung anong dapat pag-aralan, at kung paano siya dapat matuto. Ang paraan ng pagkatuto ang unang dapat niyang ituro. Hindi ka estudyante hangga’t hindi ka handang mag-aral ng paraan ng pagkatuto. At kung ang guro mo’y pinapayuhan kang matuto sa pamamagitan ng mga salita, o gawa, o kaya’y sa paghuhurno ng tinapay, ay iyan ang iyong paraan.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.