Salin ng “The Flower which Appeared in the Wrong Season” at “If There Were No War” mula sa orihinal na wikang Azeri ni Mammad Araz ng Azerbaijan, at batay sa bersiyong Ingles ni Betty Blair.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Ang Bulaklak na Sumibol sa Maling Panahon
Hindi ko pipigilan ang sarili
Kung walang mga patakaran, walang kaugalian.
Hindi ako magtitimpi kung ang mga batang
Tinatawag akong “Ama!” ay hindi hahadlang sa akin.
May karapatan kang mapoot sa akin.
Ano ang magagawa ko?
Ang buhay ay walang ikalawang tagsibol.
Hindi bukás para sa lahat ang mansiyon ng pag-ibig.
Kahawig ka ngayon ng isang bulaklak
Na sumibol nang wala sa panahon sa lilim ng niyebe.
Kung hindi kita pipitasin, dadapurakin ka ng unos.
Kung pipitasin kita, maluluoy ka sa aking mga palad, Mahal.
Kung Walang Digmaan
Kung walang digmaan,
Makapagtatayo tayo ng tulay mulang Mundo hanggang Mars
At tutunawin ang mga sandata sa dambuhalang hurno.
Kung walang digmaan,
Ang ani ng laksang taon ay sisibol sa isang araw.
Maihahatid ng mga siyentista ang buwan at bituin sa Mundo.
Ihahayag ng mga mata ng heneral ang ganito:
“Magiging tagapangulo ako sa munting nayon
Kung walang digmaan.”
Kung walang digmaan,
Maiiwasan natin ang wala sa panahong kamatayan
At babagal ang pagputi ng ating mga buhok.
Kung walang digmaan,
Wala tayong haharaping
Dalamhati o kaya’y paghihiwalay.
Kung walang digmaan,
Ang bala ng sangkatauhan ay ang salita nito,
At ang salita ng sangkatauhan ay magiging pagmamahal.