Kumindat sa akin ang mapang-akit na kalungkutan, ni Adélia Prado

Salin ng “A Tristeza Cortesã me Pisca os Olhos,” ni Adélia Prado mula sa Brazil.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Kumindat sa Akin ang Mapang-akit na Kalungkutan

Tinatanaw ko ang pinakamalungkot na bagay,
na kapag natagpuan ay hindi na maiwawaksing muli,
dahil susundan nito ako nang higit na matapat
kaysa áso, ang multo ng áso, ang pighating di-maisasatitik.
May tatlo akong mapagpipilian: una, ang isang lalaki,
na buháy pa’y pinalalapit ako sa gilid ng kaniyang kama
at bubulong nang marahan: “Ipagdasal mo akong makatulog, ha?”
O, napanaginip kong pinapalo ang munting bata. Hinataw
nang hinataw ko siya hanggang maagnas ang aking braso
at siya’y maging mangitim-ngitim. Hinablig ko pa siya muli
at humalakhak siya, ni wala man lang poot, at pinagtawanan
akong pumapalo sa kaniya.
Ang huli, at ako na mismo ang lumikha ng angking hilakbot,
ay pumalahaw sa gitna ng gabi hanggang madaling-araw
at hindi na nagbalik, at nakatutulig ang sirena, at ang tinig
niya’y sa tao.
Kung hindi pa sapat iyan ay subukin na lámang ito:
Binuhat ko ang aking anak na lalaki nang sapo ang maselan
niyang ari, at hinagkan ko siya sa pisngi.