Lamanlupa, ni Aloysius Bertrand

salin ng “Scarbo” ni Aloysius Bertrand ng France.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Lamanlupa

“Panginoon ko, sa oras ng aking kamatayan, ibigay sa akin ang mga dasal ng pari, ang linong sudaryo, ang ataul na pino, at maayos, tuyot na pook.”

Mga Ama Namin ng Heneral

“Mamatay ka mang pinatawad o isinumpa,” bulong ng Tiyanak sa tainga ko nang gabing iyon, “ang sudaryo mo’y magiging sápot, at ibibilot ko sa iyo ang gagamba!”

“Hayaan mo naman,” sabat ko, habang namumula ang mga mata sa kaiiyak, “na ang maging balabal ko’y nangangatal na dahong ang lundo’y iduduyan ng dayaray ng lawa.”

“Hindi!” singhal ng nang-uuyam na tiyanak, “magiging pakain ka sa uwang na gumagapang pagsapit ng takipsilim upang manghuli ng mga bangaw na binulag ng papalubog na araw!”

Napahagulgol ako’t lumuha nang labis, saka tumugon nang mapait: “Marahil ay higit na ibig mo ang tarantulang kasinghaba ng trompa ng elepante ang pangil na sasaid sa akin.”

“Palubagin mo ang iyong sarili,” singit niya, “dahil ang magiging kumot mo’y ang batikan at ginintuang balát ng ahas, na ibabálot ko sa iyo gaya sa ibang binurong bangkay.”

“At mula sa madilim na kripta ni San Benigno, ililibing ka namin nang patayo at nakasingit sa isang pader, upang marinig mo nang buong lugod ang iyakan ng mga munting bata sa Limbo.”

 

Mga Tala

[1] Tumutukoy ang San Benigno sa matandang monasteryo sa bayan ng Djon, Burgundy sa France.
[2] Ginamit sa salin ang panumbas na “lamanlupa” sa “Scarbo” na isang munting demonyo o kawaksi ni Satanas.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.