Layò ng Sinta, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Nähe des Geliebten,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Layò ng Sinta

Naiisip kita kapag kumikislap sa dagat
ang sinag sa hapon;
Naiisip kita kapag sa ilog lumalatag
ang buwan ng hálon.

Nakikita kita sa alimbukay ng alabok
sa dulong tagaytay,
sa bawat magdamag na ang manlalakbay ay takót
tumawid ng taytay.

Naririnig kita sa mga alon na tahimik,
taog man o káti.
Gumagala ako sa kahuyan at nakikinig
sa payapang kási.

Kapiling mo ako. At gaano  ka man kalayò,
wari ko’y malapit.
Magbibigay kahit ang araw sa tala’t lalahò,
nang ika’y sumapit.