salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.
Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit. O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila. O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.