Salin ng “Caterpillar on a Desk,” ni Robert Bly
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Higad sa Hapag
Nang angatin ko ang tasa ng kape’y napansin ko ang isang higad na gumagapang sa pilyego ng mga selyong nagkakahalaga ng diyes sentimos. Kasing-itim ng kahong de-tsino ang ulo. Karugtong niyon ang siyam na akordiyong malalambot, na umiindayog at kahawig ng maumbok na kabundukan. Nakatindig sa balikat nito ang wari’y ilang hibla ng sepilyong panlinis ng botelya. Nang kunin ko ang pilyego ng mga selyo’y gumapang nang gumapang ang higad sa gilid ng papel, at nakita ko ang mga paa nito: tatlong pares sa ilalim ng ulo, apat na pares ng espongha sa ilalim ng gitnang katawan, at dalawang dulong pares sa hulihang bahagi, na mala-rosas na hita ng tuta. Umaangat ang higad habang naglalakad, anim na pares ng paang walang sayad sa selyo, at kumakaway sa hangin! Ang isa sa pares ng esponghang paa, at ang dulong dalawang pares sa buntot, ang nakadikit nang alanganin. Unang araw noon ng Setyembre. Madaling tanggapin ng tao ang kaniyang kabiguan—o dahil lumipas na ang kabaliwan ng tag-araw? Napapansin ng tao ang karaniwang lupa, na nilait nang may lambing noong Hulyo, habang naghahanda siya sa pang-araw-araw na trabaho, at magsimulang gumamit ng mga selyo.