Magwawakas sa Paliparan ang Daigdig
Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at ang mga sundalo’y nakatanod
sa lalapag na eroplanong karga
ang mabibigat na bagahe at kalungkutan.
Isang alkalde ang dumating, ngunit ang dinig mo’y
nagliliyab ang Gaza at kubkob ang Kurdistan.
Wala akong kakilala sa mga sumasalubong,
ngunit inaakala nila na ako ang kanilang
Kapalaran.
Malaya nilang isiping panauhin ako sa Dipolog
o Dapitan, at bilang panauhing maringal
ay nakatakdang magtalumpati sa harap
ng mga estudyante’t pista ng mga wika.
Nangangatal ang aking mga kamay,
gaya ng pira-pirasong memorya ng ibang lupain,
at masiglang nagkukuwento ang abrodista
sa sinapit niyang pagtakas doon sa Syria.
Wala akong maisip, walang tulang masindihan,
at aaliwin ang sarili sa mga dumaraang
motorsiklo, huni ng mga ibon, at sipol ng simoy.
Kailangan kong maunawaan ang paglalakbay
sa mahahabang dalampasigan,
at sakali’t magutom ay susubukin ang dila
sa inihaw na talaba, kinilaw na tanigi,
at alimangong iniaalay ang sarili sa kusina.
Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at nagugunita kitang kinakatas ang taludtod
ni Samah Sabawi o Mahmoud Darwish
habang pinupulbos ang malayo mong lungsod.
Subalit ang mga guho ng bahay at masjid
ay mahimalang itinitindig ng iyong sugatang isip
samantalang bumabalot ang karimlan
dito sa dalampasigang aking kinatatayuan.
Maalinsangan ngayong gabi, at wari ko,
maghuhubad ang buwan sa gitna ng tubigan
upang itangis ang napakailap na kasarinlan.