Ang Ibong Asul, ni Rubén Darío

Salin ng “El pájaro azul” ni Rubén Darío, sagisag ni Félix Rubén García Sarmiento, mula sa Nicaragua.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Nakalulugod at nakahihindik na teatro ang Paris. Kabilang sa mga nasa loob ng Café Plombier ang mga butihin at desididong kabataan—mga pintor, eskultor, manunulat, makata—na ang bawat isa’y ibig matamo ang sinaunang lungtiang lawrel! Wala nang kaibig-ibig pa sa pobreng si Garcin, na laging malungkutin at tomador ng ahénho, ang mapangaraping walang pagkalasing, at hindi maipagkakamaling bohemyo at magaling na improbisador.

Sa gusgusing silid ng aming maliligayang pagtitipon ay inililihim ng yeso ang mga guhit at linya ng mga darating na Delacroix, berso, at saknungang isinulat sa makakapal, malalalim na titik ng aming minamahal na “Ibong Asul.”

Ang pobreng si Garcín ang ibong asul. Alam mo ba kung bakit siya tinawag nang gayon? Bininyagan namin siya sa gayong pangalan.

Hindi namin basta kapritso iyon. Taglay ng mahusay na binata ang malamlam na titig. Nang usisain namin siya kung bakit siya tahimik samantalang lahat kami’y naghahalakhakan nang hangal, siya na nakatitig nang maningning paitaas ay sumagot nang may ngiting mapait.  .  .  .

“Mga kasama, ipinababatid ko sa inyong may ibong asul ako sa utak, at kung gayon.  .  .  .”

*  *  *

Sumapit ang panahong nakahiligan niyang magliwaliw sa párang pagsapit ng tagsibol. Pinalusog ng simoy ng gubat ang kaniyang bagà, wika nga ng makata.

Sa kaniyang mga eskursiyon ay dala niya ang mga tangkay ng biyoleta at ang makakapal na kuwaderno ng mga madrigal, na sinulat sa kaluskos ng mga dahon at sa ilalim ng malawak, maaliwalas na langit. Ang mga biyoleta’y para kay Niní, ang kaniyang kapitbahay, ang dalagang sariwa at mamulá-mulá ang kariktan, at bughaw ang mga mata.

Ang mga tula’y para sa amin. At babasahin namin iyon nang malakas, at papalakpak. Labis ang papuri namin kay Garcin. Isa siyang henyong nakatakdang tumanyag. Sasapit ang panahon.  Lumipad nang mataas, o ibong asul! Bravo! Mabuhay! Mabuhay! Tumagay pa ng maraming ahénho!

*  *  *

Ang mga prinsipyo ni Garcin:

Sa mga bulaklak, maririkit ang kampánula.
Sa mamahaling bato, natatangi ang sapiro.
Sa kalawakan, ang langit at ang pag-ibig ay nasa balintataw ni Niní.
At inulit ng makata: Higit na matimbang ang kabaliwan kung ihahambing sa katangahan.

May sandaling malungkutin si Garcín kaysa nakagawian.

Binagtas niya ang mga lansangan; sinipat niya nang kay-lamig ang mararangyang karwahe, ang mga elegante, ang naggagandahang babae. Napangiti siya nang mapagawi sa harap ng eskaparate ng alahero; ngunit nang sumapit siya sa tindahan ng mga aklat, hindi niya naiwasang mainggit sa maluluhong edisyon, at mapakunot, at pumaling ng tingin sa langit saka bumuntong-hininga nang malalim. Hahangos siya nang sabik at marubdob sa kapihan at hahanapin kami, at hihingi ng isang baso ng ahenho saka magwiwika:

“Oo, sa hawla ng aking utak ay nakabilanggo ang ibong asul na naghahangad ng kalayaan . . . .”

*  *  *

May ilang naniniwala sa pagkasira ng bait.

Isang alyenista ang nakasagap ng balita at ipinalagay na kaso iyon ng natatanging pagkabaliw sa isang bagay. Walang iniiwang pagdududa ang mga pag-aaral niyang patolohiko.

Walang pasubaling nawasak ang katinuan ni Garcín.

Isang araw, tumanggap siya mula sa kaniyang ama—na matagal nang naninirahan sa Normandiya, at isang komersiyente ng mga damit—ng isang liham na nagsasaad ng humigit-kumulang sa ganitong paraan:

“Alam ko ang kinalolokohan mo sa Paris. Kapag nagpatuloy ka sa ganiyang paraan, wala kang matatanggap sa akin ni isang kusing. Hakutin mo na ang mga aklat sa aking almasén, at matapos mong sunugin ang mga manuskrito ng iyong kahangalan, batugan, ay saka kita bibigyan ng salapi.”

Ang liham ay binása sa Café Plombier.

“Aalis ka na ba?”

“Hindi ka aalis?”

“Tinatanggap mo?”

“Nililibak mo?”

“Bravo, Garcín! Pinunit niya ang liham, inihagis sa bintana ang damit, at biglaang bumigkas ng ilang taludtod, na sa aking pagkakatanda ay ganito:

Kung ako’y batugan, huwag pong pumukol
Ng paghanga’t puri sa taglay ng utak:
Nasa aking hawla at siyap nang siyap
Ang ibig lumayang isang ibong asul.

Magmula noon ay nagbago ang katauhan ni Garcín. Siya’y naging masatsat, naligo sa kaluguran, bumili ng bagong lebita, at tumula sa tatluhang taludtod, na pinamagatan niyang “Ang Ibong Asul.”

Bawat gabi’y may natutuklasan kaming bago sa kaniyang tula. At iyon ay dakila, matayog, at buwáng.

Naroon ang masanting na langit, ang sariwang nayon, na waring sumasambulat mula sa mahika ng pinsel ni Corot; ang mga mukha ng paslit na sumusungaw sa mga bulaklak, ang malalaking matang luhaan ni Niní; bukod pa ang mabuting Diyos na isinugo, at pinalipad nang pinalipad, ang ibong asul habang hindi batid kung paano at kailan iyon namugad sa loob ng utak ng makata, at doon nakulong. Kapag umawit ang ibon, at ibig lumipad, ibubuka nito ang mga pakpak at papagaspas sa loob ng bungo, at ipapako ng makata ang paningin sa langit, ikukunot ang noo, tutungga ng ahenho na binantuan ng kaunting tubig, at hihithitin ang binilot na papel ng sigarilyo. Heto ang tula.

*  *  *

Umuwi isang gabi si Garcín na halakhak nang halakhak ngunit napakalungkot.

Ang magandang babae na kaniyang kapitbahay ay inihatid sa sementeryo.

Balita! Balita! Huling awit ng aking tula. Yumao na si Niní. Halina, tagsibol, at wala na si Niní! Sinupin ang mga biyoleta sa parang. Ngayon ay umiiral na lamang itong epilogo ng tula. Ni walang lakas ng loob ang mga editor na basahin ang aking mga tula. Ibasura na lamang ninyo agad ang mga ito. Lumalakad ang panahon. Ang epilogo ay pinamagatang “Kung paanong umimbulog sa asul na langit ang ibong asul.”

*  *  *

Ganap nang tagsibol! Namumulaklak ang mga punongkahoy, at mala-rosas ang ulap sa madaling-araw at hapon; ang banayad na simoy ay pinalalawiswis ang mga dahon, at hinihipan sa natatanging sipol ang mga sintas ng sombrero. Hindi na nagtungo sa párang si Garcín.

Doon sa Café Plombier siya nagtutungo, suot ang bagong damit, at namumutla habang taglay ang malamlam na ngiti.

“Mga kaibigan, yakapin ako! Yakapin ninyo ako nang mahigpit! Batiin ako ng paalam nang buong puso at buong kaluluwa .  .  . Lumipad na ang Ibong Asul. . . .

Humagulgol ang kawawang si Garcín, at niyakap namin siya nang mahigpit, at kinamayan nang todo, bago tuluyang lumisan.

At winika namin: Si Garcin, ang alibughang anak na hinanap ang kaniyang ama, ang matandang Normando. “Paalam, mga musa; paalam, at maraming salamat! Nagpasiya ang ating makata na isukat ang mga damit! Hoy! Isang tagay para kay Garcín!

Namumutla, takót, at malungkot, ang mga parokyano ng Café Plombier, na dating sanáy sa ingay ng maliit at gusgusing silid, ay naroon sa tirahan ni Garcín. Nakahiga siya sa kama, duguan ang kumot, at butás ang bungo sa tama ng punglo. Sumambulat sa unan ang mga piraso ng utak. Anung lagim!

Makaraang humupa ang aming pagkagitla, at makidalamhati sa bangkay ng aming kaibigan, natuklasan naming nasa kaniya ang bantog na tula. Sa pangwakas na pahina ay nakasulat ang ganitong mga salita:

“Ngayon, sa kalagitnaan ng tagsibol, ay hinayaan kong bukás ang hawla ng ibong asul.”

*  *  *

Ay, Garcín, ilan pang tao ang nagtataglay sa kanilang utak ng ganiyang sakít!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.