Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.
Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.
Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.
Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.
Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.
Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .
Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .
“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.
“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”
Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.
O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.
Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .
Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .
Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .