salin ng “Poema de amor 8,” ni Darío Jaramillo Agudelo mula sa Republic of Colombia.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.
Tula ng Pag-ibig 8
Ang dila, ang dila mong matalino na umimbento ng aking balát,
ang dila mong apoy na nagpaliyab sa akin,
ang dila mong lumikha ng kagyat na pagkabaliw, ng deliryo
ng katawang umiibig,
ang dila mo, sagradong latigo, matamis na bága,
panambitan ng apoy para mawala ako sa sarili, at magbanyuhay,
ang dila mong malaswa ang lamán,
ang dila mong sumusukò at naghahangad ng lahat ng sa akin,
ang dila mong akin lamang,
ang marikit mong dila na kumokoryente ng aking labì, at humuhubog
sa iyong katawan para dumalisay,
ang dila mong naglalagalag at tumutuklas sa akin,
ang napakaganda mong dila na nagwiwika kung paano ako iibigin.