Ang mga Titán, ni Friedrich Hölderlin

Salin ng “Die Titanen” ni Friedrich Hölderlin mula sa Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas, at nang may pagsasaalang-alang sa bersiyong Ingles nina Maxine Chernoff at Paul Hoover.

Ang mga Titán

Hindi pa panahon.
Hindi pa sila nakagapos.
At ang mga walang pakialam ay malamig
Hinggil sa usaping pang-anito.
Hayaang tuklasin nila ang palaisipan
Ng Orakulo. Samantala’y magaan kong
Iisipin ang yumao habang may mga pagdiriwang.
Noong sinaunang panahon, nangamatay
Ang mga heneral at magandang babae
At makata. Ngayon naman ay mga tao.
Ngunit nag-iisa ako’t

. . . . . . . . . . habang naglalayag sa karagatan
Ay tinatanong ng mababangong pulô
Kung nasaan na sila.

Dahil may kung anong taglay silang nananatili
Sa isinulat at sa alamat.
Maraming ibinubunyag ang bathala.
Mahabang panahong hinubog ng mga ulap
Ang nagaganap sa ibaba,
At ang sagradong gubat, malusog gaya ng anito,
Ay ibinaon nang malalim ang mga ugat.
Malagablab nang lubos ang yaman ng daigdig.
Wala tayong awit na makayayanig
upang palayain ang ating kaluluwa.
Uubusin nito ang sarili
Dahil ang makalangit na apoy ay hindi
Makatitiis ng pagkakabilanggo.
Kinalulugdan gayunman ng mga tao
Ang bangkete, at sa pagdiriwang
Ay kumikislap na perlas sa leeg
Ng babae ang kanilang mga mata.

Ang mga laro ng digmaan
. . . . . . . . . . At ang landas pahardin
Ay gunita ng kalampag ng mga bakbakan;
Ang mga humuhugong na sandata
Ng mga bayaning ninuno ay nakapatong
Nang panatag sa dibdib ng mga bata.
Ngunit umaalunignig ang mga bubuyog
Sa paligid ko, at kung saan humuhukay
Ang magbubukid ay doon umaawit
Ang mga ibon laban sa liwanag. Maraming
Tumutulong sa langit. Nakikita ang mga ito
Ng makata. Mabuting sumandig
Sa iba. Dahil walang makatitiis mabuhay
Nang mag-isa.

Dahil kapag ang abalang araw
Ang magsimulang magliyab,
At ang makalangit na hamog ay kumislap
Sa kadena, na maghahatid
Ng kidlat mula sa bukang-liwayway
Tungo sa sariling pinagmulan, kahit
ang mga mortal ay madarama
ang kadakilaan nito.
Kayâ sila nagtatayo ng mga tahanan,
At ang mga palihan ay labis na aligagâ,
At ang mga barko’y naglalayag nang pasalunga
Sa mga alon, at ang mga lalaki’y
Nakikipagbatian habang nakikipagkamay;
At iyon ang katanggap-tanggap sa daigdig,
At may katwiran kung bakit tayo nakatitig
Sa sahig.

Ngunit nakasasagap ka
Sa ibang paraan.
Dahil itinatadhana ng panukatang
Umiral ang kagaspangan
Upang mabatid ang kadalisayan.

Subalit kapag sumapit sa lupa
Ang unang sanhi
Upang magkaroon ito ng búhay,
Iniisip ng mga tao na ang makalangit
Ay bumaba sa kailaliman ng mga patay
At biglang sumaisip sa Maykapal
Ang walang hanggahang kahungkagan.
Hindi ako ang dapat magwika
Na ang mga bathala ay pahina nang pahina
Habang sila ay sumasapit sa pag-iral.
Ngunit kapag nagkagayon
. . . . . . . At naglaho
Gaya ng mga buhok ng ama, upang

. . . . .  Ang ibon ng kalangitan
Ay maipabatid ito sa kaniya. Kagila-gilalas
Sa pagkapoot, at iyon ang mahalaga.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.