salin ng “Lidský hlas” (Human Voice) ni Vladimír Holan ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.
Tinig ng Tao
Hindi iginigiit sa atin ng bato at bituin ang kanilang musika;
Tahimik ang mga bulaklak, may pagbabantulot ang mga bagay;
At dahil sa atin ay ipinagkakait ng mga hayop
Ang taglay na armonya ng kawalang-malay at paglilihim;
Malimit sakáy ng simoy ang kadalisayan sa payak na galaw,
At anong awit ang tanging batid ng mga piping ibon,
Na hinagisan mo ng sariwang uhay sa bisperas ng Pasko?
Ang umiral ayon sa kaakuhan ay sapat na’t higit sa mga salita.
Ngunit tayo’y natatakot hindi lamang sa karimlan,
Bagkus kahit sa gitna ng masaganang liwanag.
Hindi natin nakikita ang ating mga kapitbahay
At sa labis na pagkadesperado hinggil sa eksorsismo
Ay sindák na sumisigaw: “Nariyan ka ba? Sumagot ka!”
Kaugnay na video na maaaring sangguniin hinggil sa pagbasa ng tula: