“Walang kabaong, walang puntod,” ni Jared Angira

Salin ng “No Coffin, No Grave” ni Jared Angira mula sa Kenya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Walang kabaong, walang puntod

Inilibing siya nang walang kabaong,
nang walang puntod
tinistis ng mga basurero ang bangkay
sa bukás na punerarya upang suriin
nang walang esterilisadong patalim
sa harap ng naytklab.

ang mga garalgal na riple
ay nagsipagpugay sa  araw na iyon
sa pang-estadong paglilibing
lumuhod ang kotse, lumuha ang pulang plaka,
na tigmak sa dugo ng amo nito

naghayag sa dagat ang talaarawan
umangkla roon pagkaraan ang ulan
hindi ba pula, itim, at puti ang ating watawat?
kayâ ibinálot niya nang maigi ang sarili

sino ang maghuhudyat ng dilaw kung dapat
nang iwan sa mga eksperto ang politika
at magmaktol sa mga aklat
magmaktol sa gutom
at sa mga batang babaeng mag-aaral
maghinagpis sa puwit ng itimang palayok
matulog sa loob ng butás na kulambo
at hayaang sipsipin ng mga kuto ang bituka
ginoo ng inuman, nagsasalita ang pera, ginang
babaeng batubalani, nagsasalita ang pera, ginang
tinatakpan lamang natin ang bumabahòng karimlan
ng yungib ng ating mga bunganga’t
tinatanong ang ama kung sino ang nasa impiyerno
para siya’y husgahang
mabilis at mabuti

Ang kaniyang talaarawan, na submarino
ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, ay nagpamalas
na pinangarap niyang mailibing sa ginintuang
kabaong, na gaya sa Napakahalagang Tao
sa lilim ng punong banaba sa gilid ng kaniyang palasyo
isang silungan para sa kaniyang libingan
at para sa maraming serbesa sa pagdiriwang sa lamay

ano’t anuman, may isang paslit ang nagmungkahing
ilabas na lamang ang mga traktora’t bungkalin ang lupain

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.