Sayaw ng Kamisa ng mga Dalagita, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Dance of the Girls’ Chemises” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas

Sayaw ng Kamisa ng mga Dalaga

Pahanay na nakabilad ang sandosenang
kamisa ng mga dalagita,
na ang bulaklaking engkahe sa dibdib
ay mga bintanang rosal sa Gotikong katedral.

Panginoon,
ilayo mo ako sa lahat ng kasamaan.

Sandosenang kamisa ng mga dalagita,
iyan ang pag-ibig,
mga laro ng mga inosenteng dalagita
sa naaarawang damuhan,
ang ikalabintatlo,  ang baro ng lalaki,
iyan ang kasal, na nagwawakas
sa pangangalunya at putok ng baril.

Ang simoy na humahagod sa mga kamisa,
iyan ang pag-ibig,
ang ating lupaing yakap ng matamis na dayaray:
sandosenang katawang mahahangin.

Ang sandosenang dalagitang binubuo ng hanging
magaan ay sumasayaw sa lungting damuhan,
banayad na hinuhubog ng simoy ang mga katawan,
suso, balakang, biloy sa puson doon—
dumilat nang mabilis, o aking mga mata.

Hindi ibig gambalain ang kanilang sayaw,
marahan akong pumasok  sa loob ng mga kamisa,
at kapag bumagsak ang alinman sa mga ito
ay sabik na sasamyuin nang mariin
at kakagatin ang dibdib nito.

Ang pag-ibig,
na ating sinisinghot at kinakain,
ay nanlulumo,
ang pag-ibig na pinag-uukulan ng mga pangarap,
ang pag-ibig,
na nagtutulak sa ating bumangon at mabigo:
ang wala ngunit suma-total ng lahat.

Sa ating pulos elektronikong panahon,
ang nayt-klab imbes na binyag ang tanyag
at pag-ibig ang ipinanghahangin sa mga gulong.
Huwag umiyak, aking makalasanang Magdalena:
Nagsaabó na ang romantikong pagmamahal.

Pananalig, motorsiklo, at pag-asa.

Sandaang Ulit na Kawalan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “A Hundred Times Nothing,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Sandaang Ulit na Kawalan

Marahil ay mababaliw muli ako
sa iyong ngiti
. . . . .at sa aking unan ay lalapag na balahibo
ang pag-ibig ng kasintahan at pighati ng ina,
na malimit magkapiling.

Marahil ay mababaliw muli ako
sa himig ng klarín
at  ang buhok ko’y mag-aamoy pulbura
habang naglalakad gaya ng inihulog sa buwan.

Marahil ay mababaliw muli ako
sa isang halik:
. . . . .gaya ng apoy sa bantulot na lampara
magsisimula akong mangatal
habang sumasayad ito sa balát.

Ngunit iyan ay tanging simoy sa aking labì,
at wala mang saysay ay sisikaping
habol-habulin ang guniguning laylayan
ng malantik na bestidong kumakampay.

Pagtunog ng Toreng Orasan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “The Striking of the Tower Clock” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagtunog ng Toreng Orasan

para kay Cyril Bouda

Nang gabing iyon, nang ang dilim ay nasa pintuan
at ang mga ipot ng kalapati sa mga kornisa ng mga tore
ay kahawig ng liwanag ng buwan,
nakikikinig ako sa simoy ni Vivaldi
sa Hardin ng Maltese.

Isang batang babae ang humihihip ng pinilakang plawta.
Ngunit ano ang maikukubli ng daliri ng paslit na babae?
Wala ni anuman!
Kung minsan ay nalilimot ko nang  makinig!

Sa ilalim ng tulay ay lumalaguklok ang malayong saplád:
kahit ang tubig ay hindi makatitiis sa mga tanikala,
at mag-aaklas ito palabas sa apaw-agusan.

Halos di-halatang pinalilipas niya ang oras
sa dulo ng kaniyang tsinelas;
namumutawi sa kaniyang labi ang lumang himig
tungo sa antigong hardin.
Mula sa malayo, mula sa lungsod doon sa timog,
sa hanay ng mga ugat ng mga lanaw
ay nakaluklok ang himig sa pulso ng dagat.

Pinangatal ng himig ang himaymay ng kaniyang pagkatao.
At bagaman ang mairuging mga nota
ay hitik sa pang-aakit,
ang kariktan ng dalagita nang sandaling iyon ay lantad
na kahit sa aking isip ay wala akong lakas ng loob
ni hayaan ang sarili kong sumuko sa gayong guniguni
na hipuin siya ng dulo ng daliri hanggang sa mamula.

Sa ngumingiting dula ng karimlan at plawta,
ng tumutunog na orasan mula sa tore
at ng pahilis na bumubulusok na bulalakaw,
kapag posibleng magmadali kung saan paakyat,
pataas sa ipoipong paglipad
nang hindi humahawak sa barandilya,
mahigpit kong kinuyom ang metal na tatangnan
ng aking tungkod na yaring Pranses.

Nang maglaho ang mga palakpak
waring mula sa takipsilim ng malapit na parke
ay maririnig ang mga bulong
at ang mga bantulot na yabag ng mga mangingibig.

Ngunit ang kanilang marurubdob na halik,
gaya ng batid mo na,
ay naging unang mga luha ng pagmamahal.
At lahat ng dakilang pag-iibigan sa daigdig na ito
ay may nakamamatay na pagwawakas.

Paghihiwalay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Parting” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Paghihiwalay

Mga hangal ang puso ng maraming babae,
pangit man o marikit,
ang mga bakás ng kanilang talampakan
ay mabilis maglaho sa buhanginan ng gunita.

Ngunit ang higit mong napansin
sa ating pangwakas na paghihiwalay
ay ang aking gusgusing damit—
hindi ba iyon ang suot ng pulubi?—
hindi mo makita ang mga luha gaya ng baluti.

Paalam, o kawan ng mga langaw
na sumasagitsit sa aking mga panaginip,
paalam, aking gabing tahimik at ang aking
kaha ng sigarilyong napalalamutian ng rosete!

Sa pagbukas ng pinto’y narinig ko ang palahaw
ng mga anghel na bumubulusok sa impiyerno.

Awit ng Lupang Tinubuan, ni Jaroslav Seifert

salin ng tulang “Song of the Native Land” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Awit ng Lupang Sinilangan

Maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak
ang lupaing nagsilang sa iyo, nagbigay ng buhay,
maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak,
matamis kaysa tinapay mula sa nilamas na mása
na pinagbaunan mo nang malalim ng patalim.

Maraming ulit kang nasiraan ng loob, nabigo,
at madalas sariwang nagbabalik ka rito,
maraming ulit kang nasiraan ng loob, nabigo,
sa lupaing ito na napakayaman at pilî ng araw,
dukha gaya ng taglagas sa hukay na pulos graba.

Maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak,
mabigat ang ating sála na hindi napapawi,
ni ang gunita nito’y hindi maaagnas kailanman.
At sa wakas, sa dulo ng ating pangwakas na oras,
matutulog tayo sa napakapait na sahig ng luad.

Tatlong Tula ni Jaroslav Seifert

salin ng tatlong tula ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Awit sa mga Dalaginding
A song about girls

Palagós sa lungsod ang dakilang ilog,
at taglay ang pitong tulay;
libong dalaginding ang bakás sa baybay
at iba-iba ang hubog.

Maalab ang palad ng dibdib sa dibdib
sa pag-ibig na may apoy;
libong dalaginding ang muling lumusong,
hawig lahat kung tumitig.

Pilosopiya
Philosophy

Tandaan ang winika ng mga pilosopo:
Ang búhay ay kay-bilis lumipas.
Tuwing hinihintay natin ang mga kasintahan
ang kisapmata’y walang hanggan.

Nobyembre 1918
November 1918

                                   Sa alaala ni Guillaume Apollinaire

Taglagas noon. Sinakop ng banyagang hukbo
ang mga dalisdis ng ubasan, ipinuwesto
ang mga riple sa mga baging na tila pugad,
at iniumang sa mga suso ni Giaconda.

Nakita namin ang naghihikahos na lupain,
mga kawal na walang binti o kamay
ngunit hindi nagmamaliw ang pag-asa,
ang pintuan ng moog ay bumubukas-bukas.

Simoy-pabango ang otonyong langit: sa ibaba
ang lungsod na kimkim ang sakiting makata,
ang bintana sa isang panggabing araw.
Heto ang helmet, ang espada, at ang baril.

Totoong sa lungsod na ito ako isinilang,
ang mga ilog nito’y umaagos nang pasuray-suray;
ngunit minsan, sa ilalim ng tulay ako’y napaluha:
ang pipa, panulat, at singsing ang kipkip ko.

Ang mga impakto sa bubungan ng katedral
ay isinusuka ang basura pababa sa mga alulod,
nakatungo sila pausli sa tuktok ng kornisa’t
pinabaho at dinungisan ng dumi ng kalapati.

Tumunog ang kampana, nahulog ang mga notang
bronse, ngunit sa sandaling ito na walang pag-asa
ay dapat tumawid ang korteho ng punerarya
doon sa mga lansangan ng Montparnasse.

Nagwika ang mga kilapsaw ng ilog sa mga ibon,
at ang mga ibon ay lumipad para sabihin sa ulap
at hinimig ang balita tungo sa kaitaasan:
hindi nagpakita ang mga bituin nang gabing iyon.

At ang Paris, na tumindig, ang Lungsod ng Liwanag,
ay nagtalukbong sa kay-lalim, kay-itim na magdamag.