“Allegro,” ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Allegro” ni Tomas Tranströmer ng Sweden.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Allegro

Tinugtog ko si Haydn matapos ang madilim na araw
At nadama ang payak na init sa aking mga kamay.

Nayag ang mga teklado. Pumalo nang magaan
Ang martilyo. Lungti, buháy, panatag ang alunignig.

Winika ng musika na umiiral ang kalayaan
At may kung sinong hindi nagbayad ng buwis sa hari.

Ipinaloob ko ang aking mga kamay sa bulsang-Haydn
At ginagad ang tao na payapang tumatanaw sa mundo.

Itinaas ko ang watawat-Hydn—na nagpapahiwatig:
“Hindi kami sumusuko. Ngunit ibig ang kapayapaan.”

Ang musika’y salaming-bahay sa dalisdis
Na ang mga bato’y lumilipad, at gumuguho ang bato.

Ang mga bato’y gumugulong papaloob sa bahay
Ngunit bawat bintana’y nananatiling buo’t walang lamat.

Ang Talukbong ng Umaga, ni Victor Hugo

Salin ng “Le voile du matin” ni Victor Hugo ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Ang Talukbong ng Umaga

[Aklat V. viii., Abril 1822]

Ang ulop ng umaga’y hinati ng taluktok,
Nagkislapan sa puti ang matatandang tore,
At ang kadakilaang kaysayáng inaarok
Ay pinagpupugayan ng mayang humuhuni.

Ngumiti ka, lalaki, sa panatag na langit,
Kahit tinangay ka pa ng gabing anung lagim;
Sa dilim ng puntod mo’y may kuwagong tumitig
Sa bagong alimbukad ng araw na maningning.

Pigilin man ng lupa’y ang diwa mo’y lilipad
Kung saan kumikinang ang batis-walang hanggan;
Babangon ka sa gitna ng lingid na pangarap
Na pinawi ng sinag yaong kadakilaan.

Piraso ng Liham, Jaroslav Seifert

salin ng “Fragment of a Letter,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Piraso ng Liham

Magdamag humalihaw ang ulan
sa mga bintana. Hindi ako makatulog.
Kaya binuksan ko ang ilaw
at sumulat ng liham.

Kung makalilipad ang pag-ibig,
na siyempre ay hindi nito magagawa,
at hindi malimit lalapit sa lupa,

kasiya-siyang mabalot ng dayaray nito.

Ngunit gaya ng napopoot na bubuyog
ang mga selosong halik ay sumasalakay
pabulusok sa tamis ng katawan ng babae
at ang di-makaling kamay ay dumadakma
sa anumang maabot nito,
at walang hinto ang apoy ng  pagnanasa.

Kahit ang kamatayan ay hindi nakasisindak
sa yugto ng nakababaliw na tagumpay.

Sino ang nakapagkalkula
kung paanong pumapaloob ang pag-ibig
sa pares ng bisig na yumayapos!

Palagi kong ipinahahatid sa kalapating
kartero ang mga liham sa mga babae.
Malinis ang aking budhi.
Hindi ko kailanman ipinagkatiwala iyon
sa mga lawin o banóg.

Hindi na sumasayaw sa ilalim ng panulat ko
ang mga tula, at gaya ng luha sa gilid
ng mata’y bumibitin pabalik ang salita.
Ang buong buhay ko ngayon, sa dulo nito,
ay humahagunot na biyahe sa tren:

Nakatayo ako sa tabi ng bintana ng karwahe
at araw-araw ay humahagibis pabalik
sa kahapon upang makipagtipan
sa makukutim na ulop ng dalamhati.
Kung minsan ay hindi ko mapigil humawak
sa prenong laan sa emerhensiya.

Marahil ay muli kong masisilayan
ang ngiti ng isang babae
na nabihag gaya ng niligis na bulaklak
sa mga pilik ng kaniyang paningin.
Marahil ay mapahihintulutan pa rin ako
na ipadala sa gayong mga mata
kahit ang isang halik bago tuluyang
lamunin ng karimlan ang titig nito.

Marahil ay minsan ko pang makikita
ang maliit na sakong
na tinabas tulad ng alahas
mula sa mainit na kalambutan,
upang muli akong masamid sa pag-asam.

Anong halaga ang natitira at dapat iwan ng tao
habang paparating ang di-mapipigil na tren
sa Estasyon Lethe
na may mga taniman ng kumikinang na gamón
na ang gitna’y may pabangong makapagpapalimot
sa lahat. Kabilang ang pag-ibig ng tao.

Iyan ang pangwakas na hinto:
hindi, hindi na makauusad pa ang tren.

Mga Ubasang Espanyol

salin ng “Spanish Vineyards” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Mga Ubasan ng Espanyol

Muling inihatid ng lupa ang katas
Patungo sa baging ng mabatong bayan.
At ang bagong supling, kung hindi tinadtad
Ng bala’y mayabong na bukás ang kamay,

Gaya ng pulubing naghangad ng barya.
Mayuming ilihan ang nagpapabantog
At nagpapatampok sa tamis na dala
Nitong mga ubas na sanga’y yumukod.

Abril na po ngayon at karmesíng dugo’y
Mantsa sa panapis at kahit sa palad.
Ubas na Espanyol, pupulot ay sino
Kapag ang digmaan ay ganap nagwakas?

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Salute to the Madrid Barricades” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ng Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid

Nababalot ng apog sa kaniyang lupang tinubuan,
si García Lorca, na mandirigma at makata,
ay nakahalukipkip sa hukay ng kaniyang libingan,
walang riple, lira, o bala.
Ang alpombra ng mga araw na inindakan ng mga Moro
ay hinabi ngayon sa sanaw ng mga luha at dugo,
at sa mga glasyar ng Alpino, sa tuktok ng mga Pirineo,
mula sa sinaunang hagdan tungo sa kastilyo,
ang makata ay nakikipag-usap sa kaniya,
nabubuhay pa ang makata
na ang kaniyang kuyom na kamao ay nagpapahatid
ng halik sa malayong libingan,
ang uri na inilalaan ng mga makata sa kapuwa makata.
Hindi para sa pagpaslang
bagkus para sa mga araw ng kapayapaan;
sumasahimpapawid ang matatamis na awit,
at ang banayad na awit, ang laro ng mga salita at ritmo
na ating minithi
sa lilim ng mga puso ng mangingibig at sa lilim
ng mga punong namumukadkad, upang hubugin ang berso
na kasingtaginting at kasingningning ng kalembang
ng mga kampana at pananalita ng mga karaniwang tao.

Ngunit nang maging riple ang panulat,
bakit hindi siya tumakas?

Ang bayoneta ay nakaguguhit din sa balát ng tao,
ang mga liham nito’y naglalagablab na dahong
karmesí na aking binababaran sa mga gipit na oras.

Ngunit isa lamang ang batid ko, mahal na kaibigan:
Sa kahabaan ng lansangan sa Madrid
ay magmamartsa muli ang mga manggagawa
at sila’y aawit ng iyong mga awit, o mahal na makata;
Na kapag isinabit na nila ang mga ripleng sinandigan,
kapag isinalong na nila ang sariling mga sandata
nang may pagtanaw ng malalim na utang na loob,
gaya ng mga pilay sa Lourdes ay hindi
na muli nilang kakailanganin pa ang sariling mga saklay.

 

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.