Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Salute to the Madrid Barricades” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ng Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid

Nababalot ng apog sa kaniyang lupang tinubuan,
si García Lorca, na mandirigma at makata,
ay nakahalukipkip sa hukay ng kaniyang libingan,
walang riple, lira, o bala.
Ang alpombra ng mga araw na inindakan ng mga Moro
ay hinabi ngayon sa sanaw ng mga luha at dugo,
at sa mga glasyar ng Alpino, sa tuktok ng mga Pirineo,
mula sa sinaunang hagdan tungo sa kastilyo,
ang makata ay nakikipag-usap sa kaniya,
nabubuhay pa ang makata
na ang kaniyang kuyom na kamao ay nagpapahatid
ng halik sa malayong libingan,
ang uri na inilalaan ng mga makata sa kapuwa makata.
Hindi para sa pagpaslang
bagkus para sa mga araw ng kapayapaan;
sumasahimpapawid ang matatamis na awit,
at ang banayad na awit, ang laro ng mga salita at ritmo
na ating minithi
sa lilim ng mga puso ng mangingibig at sa lilim
ng mga punong namumukadkad, upang hubugin ang berso
na kasingtaginting at kasingningning ng kalembang
ng mga kampana at pananalita ng mga karaniwang tao.

Ngunit nang maging riple ang panulat,
bakit hindi siya tumakas?

Ang bayoneta ay nakaguguhit din sa balát ng tao,
ang mga liham nito’y naglalagablab na dahong
karmesí na aking binababaran sa mga gipit na oras.

Ngunit isa lamang ang batid ko, mahal na kaibigan:
Sa kahabaan ng lansangan sa Madrid
ay magmamartsa muli ang mga manggagawa
at sila’y aawit ng iyong mga awit, o mahal na makata;
Na kapag isinabit na nila ang mga ripleng sinandigan,
kapag isinalong na nila ang sariling mga sandata
nang may pagtanaw ng malalim na utang na loob,
gaya ng mga pilay sa Lourdes ay hindi
na muli nilang kakailanganin pa ang sariling mga saklay.

 

Advertisements

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.