Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.

6 thoughts on “Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

    • Ang tula ay hinggil sa transpormasyon ng isang bagay o tao. Paano mo bang tinitingnan ang pagbabago? Ano ba ang ipinahihiwatig ng persona o tauhang nagsasalita? Bakit kapag umibig sa isang babae ay nagkakaroon ng transpormasyon ng pagkatao? Ang ginawa ng makata ay naghanay siya ng mga imahen, gaya ng palumpong [shrub], binata, buhok, lira, niyebe, hibla, at ang lahat ng ito’y nagbabago ang anyo sa pananaw ng tumitingin. Habang lumalaon, ang paglalarawan ay nagkakaroon din ng transpormasyon, mulang pagkabata hanggang matanda. Hindi ko maipapaliwanag ang lahat dito, sapagkat ako na ang gagawa ng iyong asignatura. Kung nais mo ng pribadong konsultasyon ay ibang usapan na iyan, sapagkat hindi libre ang aking payo o lektura.

      Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.