“Allegro,” ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Allegro” ni Tomas Tranströmer ng Sweden.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Allegro

Tinugtog ko si Haydn matapos ang madilim na araw
At nadama ang payak na init sa aking mga kamay.

Nayag ang mga teklado. Pumalo nang magaan
Ang martilyo. Lungti, buháy, panatag ang alunignig.

Winika ng musika na umiiral ang kalayaan
At may kung sinong hindi nagbayad ng buwis sa hari.

Ipinaloob ko ang aking mga kamay sa bulsang-Haydn
At ginagad ang tao na payapang tumatanaw sa mundo.

Itinaas ko ang watawat-Hydn—na nagpapahiwatig:
“Hindi kami sumusuko. Ngunit ibig ang kapayapaan.”

Ang musika’y salaming-bahay sa dalisdis
Na ang mga bato’y lumilipad, at gumuguho ang bato.

Ang mga bato’y gumugulong papaloob sa bahay
Ngunit bawat bintana’y nananatiling buo’t walang lamat.

Ang Talukbong ng Umaga, ni Victor Hugo

Salin ng “Le voile du matin” ni Victor Hugo ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Ang Talukbong ng Umaga

[Aklat V. viii., Abril 1822]

Ang ulop ng umaga’y hinati ng taluktok,
Nagkislapan sa puti ang matatandang tore,
At ang kadakilaang kaysayáng inaarok
Ay pinagpupugayan ng mayang humuhuni.

Ngumiti ka, lalaki, sa panatag na langit,
Kahit tinangay ka pa ng gabing anung lagim;
Sa dilim ng puntod mo’y may kuwagong tumitig
Sa bagong alimbukad ng araw na maningning.

Pigilin man ng lupa’y ang diwa mo’y lilipad
Kung saan kumikinang ang batis-walang hanggan;
Babangon ka sa gitna ng lingid na pangarap
Na pinawi ng sinag yaong kadakilaan.