“Ang Aso,” ni Ivan Turgenev

Salin ng “The Dog” ni Ivan Turgenev ng Russian Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas, batay sa salin sa Ingles ni  Constance Garnett.

Ang Áso

Dalawa lámang kami sa silid; ako at ang aking áso. . . . Sa labás ng bahay ay humahalihaw ang nakasisindak na bagyó.

Umupo sa harapan ko ang áso, at tumingin nang tuwid sa mukha ko.

At ako rin ay tumingin sa kaniyang mukha.

Waring may ibig siyáng sabihin sa akin. Siyá ay mangmang, at hindi makapagsalita, at hindi maunawaan ang sarili, ngunit nauunawaan ko siya.

Nauunawaan kong sa sandaling ito ay pumipintig sa kaniya at sa akin ang parehong pakiramdam, at walang pagkakaiba ang namamagitan sa amin. Pareho kami; bawat isa sa amin ay lumiliyab at kumikislap ng parehong nangangatal na siklab.

Dumaragit ang kamatayan, taglay ang alon ng lamig ng malalapad na bagwis. . . .

At ang wakas!

Sino ang makatutukoy kung anong siklab ang nagpapaningning sa bawat isa sa amin?

Hindi! Hindi kami kami hayop at tao na sumulyap sa isa’t isa. . . .

Sila ang mga mata ng magkapantay, ang mga matang nakapakò sa isa’t isa.

Sa bawat isa sa mga ito, sa hayop at sa tao, ang parehong búhay ay magkapiling nang matalik dahil sa tákot.