Salin ng Soneto 12 “When I do count the clock that tells the time” ni William Shakespeare ng England, United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.
Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
At nagwakas naman ang tapang ng araw sa sindak ng gabi;
Kapag nakita kong pumusyaw ang lila paglampas sa sukdol
Naghari ang itim imbes pinilakang may puti ang tabi;
Kapag nangalagas, naluoy ang dahon ng punong malabay
Na dáting lumilim sa kawan ng hayop at ibon sa gubat;
At tiklis na lámang ang dating halamang lungti noong araw
At naging pabigat sa suhay kabaong na uban ang balbas;
Saka ang ganda mo ay nasok sa isip na baka maglahò
At ikaw ay ganap mabulok paglipas ng mga sandalî;
Dahil kahit yaong mahal at marikit ay kusang guguhô;
Kaybilis mamatay, at kaybilis naman ang iba’y magharì.
At wala ni isang hahadlang sa karit nitong kamatayan
Maliban sa supling na sa iyong puso ay alab ng tápang.