salin ng “City without a Name,” ni Czeslaw Milosz ng Poland.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Walang Ngalang Lungsod
1.
Sino ang magpaparangal sa walang ngalang lungsod
kung marami ang patay at ang iba’y nagmimina ng ginto
o nagbibili ng mga sandata sa malalayong bayan?
Anong pakakak ng pastol na binalot sa balát ng abedul
ang hihimig ng gunita ng mga naglaho sa Buról Ponarach—
mga paláboy, tagahawan, kapatid ng nalusaw na tirahan?
Ngayong tagsibol, sa disyerto, malayo sa watawat ng kampo,
—sa katahimikang umaabot sa matitigas na batuhan ng dilaw
at pulang kabundukan—naulinig ko sa abuhing palumpungan
ang maiilap na bubuyog.
Sakay ng agos ang alingawngaw at balsa ng mga kahoy.
Isang lalaking nakasombrero at babaeng nakapanyuwelo
ang ubos-lakas na nagtimon sa mabigat na kargamento.
Sa aklatan, sa ilalim ng tore na pintado ng sagisag zodyak,
Sasamyuin ni Kontrym ang kaniyang tabakera at ngingiti
Dahil sa kabila ng Matternich ay hindi lubos na bigo ang lahat.
At sa paliko-likong daan sa gitna ng mabuhanging haywey
ang mga karitong Hudyo ay nagpatuloy habang humuhuni
ang itim na urogalyo sa helmet, na relikya ng Dakilang Hukbo.
2.
Sa Lambak Bangkay, naisip ko ang mga estilo ng buhok,
ang kamay na naglalaro ng ilaw sa Sayawan ng Estudyante
sa lungsod na walang anumang tinig ang makaaabot sa akin.
Hindi nakapagpapatunog ng huling trumpeta ang mga mineral.
Naroon lámang ang kalatíng ng mga butil ng buhaghag na lava.
Sa Lambak Bangkay, kumikislap ang asin sa natuyong lawà.
Ipagtanggol, ipagtanggol ang sarili, wika ng pitlag ng dugo.
Mula kawalang-saysay ng matigas na bato, walang dunong.
Sa Lambak Bangkay, walang lawin o agila ang nasa langit.
Nagkatotoó ang hulà ng hitana. Sa landas na lilim ng arkada,
nagbabása ako ng tula ng kapitpinto, na pinamagatang,
“Ang Sandali ng Diwa.”
Sinipat ko ang salaming retrobisor: doon, may isang lalaki
Na tatlong daang milya ang layò, na hila ang bisikleta paakyat.
3.
Tangan ang mga plawta, sulô, at tambol
na nagpapalagabog ng bum, bum, bum,
tingnan, ang isang yumao sa Istanbul, doon sa unang hanay,
naglalakad siyang hawak ang kamay ng dalaga,
at sa ibabaw nila ay lumilipad ang mga balinsasayaw.
Dala nila ang sagwan o tungkod na pinalamutian ng mga dahon
at pumpon ng mga bulaklak mula sa baybay ng Lawa Lungtian,
habang sila’y palapit nang palapit, pababa sa Kalye Kastilyo.
At pagdaka’y nawala ang lahat, at puting ulop ang naiwan
sa ibabaw ng Kapisanan ng mga Estudyante ng Umanidades,
Sangay ng Malikhaing Pagsulat.
4.
Sumulat tayo ng mga aklat na katumbas ng buong aklatan.
Dumalaw tayo sa maraming di-maliparang uwak na lupain.
Nabigo tayo sa hindi iilang digmaan.
Hanggang sa mawala tayo, tayo at ang ating Maria.
5.
Pinahalagahan natin nang mataas
Ang pag-unawa at awa.
Ano pa ang natitira?
Kagandahan at ang mga halik,
Kadakilaan at ang mga gawad,
Ano ngayon?
Mga doktor at abogado,
Mga listong komandante,
Nakabaón sa lalim na anim na talampakan.
Mga singsing, piyeles, at pilik,
Mga sulyap sa mga Masa,
Sumalangit nawa.
Matatamis na kambal súso, magandang gabi.
Humimbing sa tanglaw ng liwanag,
Nang walang mga gagamba.
6.
Lumulubog ang araw sa tuktok ng Maalab na Litwanong Bahay
At pinaririkit ang mga tagpo “na likha ng kalikasan”:
Lumalarga ang Wilia[i] sa mga Pino; sa itim na pulut ng Żejmiana[ii];
At hinuhugasan ng Mereczanka[iii] ang báyas[iv] na malapit
Sa nayon ng Żegaryno[v]. Dinala ng mga katulong ang Tebanong
Kandelabra, at hinila nang isa-isa ang mga kortina, marahan,
Habang, sa pag-aakalang ako ang nauna, hinubad ko ang guwantes,
At nasilayang lahat ng mata ay nakapakò sa akin.
7.
Nang mapawi ko ang dalamhati’t
Kadakilaang aking hinanap,
Na walang dahil upang gawin ko,
Tinangay ako ng mga dragon
Sa mga bansa, baybay, at bundok
Kung ito’y palad, o kung anuman.
Nais ko lamang na maging ako.
Tumagay ako sa may salamin
Saka lumuha sa pagkagago.
Mula sa kuko, uhog at baga,
Atay at tae, hanggang sikmura,
Kanino itong bahay? Ay, akin.
Ano ang bago? Hindi na ako
ang kaibigang dapat ituring.
Hinati ako ng ating oras.
O, monumentong saklob-niyebe,
Heto ang handog. Naglakbay ako
Kung saan-saan at di ko alam.
8.
Wala, nagliliyab, nakasusulasok, maalat, matalas.
Ito ang pista ng Insustansiyalidad.
Sa lilim ng tumpok ng ulap saanman.
Sa look, sa bakood, sa tuyot na batis.
Walang densidad. Walang katigasan ng bato.
Kahit ang Summa ay numinipis na dayami at usok.
At ang mala-anghel na koro ay sakay ng butil
Ng granada, tumutunog bawat sandali, hindi
Para sa atin, bagkus para sa kanilang trumpeta.
9.
Magaan, unibersal, ngunit patuloy nagbabago.
Dahil mahal ko rin ang liwanag, at marahil liwanag lámang.
Anuman ang nakaaakit at kaytaas ay hindi para sa akin.
Kapag naging rosas ang ulap, naiisip ko ang liwanag
Na kapantay ng lupain ng abedul at pino na nababálot
Ng malulutong na líken, sa dapithapon ng taglagas,
Sa ilalim ng mga niyebe kapag ang huling takip ng gatas
Ay nabulok sa mga abeto at umalingawngaw ang tahol
Ng mga áso, at ang mga uwak ay umaali-aligid sa tore
Ng Basilyanong Simbahan.
Hindi maibulalas, hindi mabigkas.
Ngunit paano?
Ang pagkamaikli ng búhay,
Ang pagbilis nang pagbilis ng mga taon,
Hindi matandaan kung ano ang naganap sa taglagas
Noon o ngayon,
Mga tagasunod na nakadamit na yari sa tersiyopelo,
Na naghahagikgikan sa ibabaw ng barandilya,
Nakapusód, nakaupo sa ibabaw ng lutuan,
Nang pakulinglingin ng martilyo ang mga haligi ng portiko
Bago pumasok ang mga tao na suot ang balabal-
balahibo ng mga lobo.
Sangkatauhan ng babae, uhog ng paslit,
Mga nakabukakàng hita, kusót na buhok, kumukulo
Ang gatas, ang bantot at tumpok ng mga tae.
Ang mga siglo,
Na nabubuo sa amoy-tawilis na kailaliman ng gabi,
Imbes na maglaro gaya sa ahedres
O sumayaw nang intelektuwal na ballet.
At ang mga palisada,
At ang mga buntis na tupa,
At ang mga baboy, ang malalakas o mahihinang kumain,
At ang mga baka ay niluto sa mga bulong.
11.
Hindi Pangwakas na Paghuhukom, bagkus pista sa ilog.
Mga munting sipol, luad na manok, at minatamis na puso.
Tinahak namin ang sukal ng natutunaw na niyebe
Upang bumili ng tinapay sa distrito ng Smorgonie[vi].
Winika ng manghuhula: “Alamin ang inyong kapalaran!”
At lumutang sa sanaw ng mapulang ihi ang tau-tauhang
Demonyo. At ang isa pa, na yari sa goma, ay namatay
pag-ingit sa hangin, sa tindahang nabibili ang mga kuwento
nina Haring Otto at Melusine.
12.
Bakit ang lungsod na walang taliba at dalisay gaya ng kuwintas pangkasal ng nalimot na tribu ay patuloy na inihahain ang sarili sa akin?
Gaya ng mga bughaw at pula-kalawanging buto na ginawang butil sa Tuzigoot doon sa tansong disyerto may pitong libong siglo na ang nakararaan.
Kung saan kumikiskis ang okre sa bato ay may naghihintay para sa mga kilay at pisngi na palalamutian, bagaman sa lahat ng panahon ay wala pang lumilitaw.
Anong kasamaan ang nasa akin, anong awa ang lumikha sa akin upang maging karapat-dapat sa handog na ito?
Narito sa aking harapan, handa, ni hindi nagkulang kahit ang usok sa tsimenea, wala ni isang alingawngaw, nang humakbang ako patawid sa mga ilog na naghihiwalay sa atin.
Marahil sina Anna at Dora Drużyno ay tumawag sa akin, tatlong libong milya ang layo sa loob ng Arizona, dahil bukod sa akin ay wala nang nakababatid na nabuhay sila.
Maliksi silang lumakad sa Kalye Dike, dalawang maamong parakit mula sa Samogotia, at pagsapit ng gabi ay inilulugay nila ang pinilakang buhok ng matatandang dalaga.
Walang nauuna o nahuhuli rito; magkasabay na umiinog ang taon at ang araw.
At sa madaling-araw, ang mga bagon ng tae ay pila-pilang lumilisan at ang mga kawani ng munisipyo ay kinokolekta sa balát na bag ang mga bayad sa pagtawid.
Pinagagaralgal ang kanilang mga sasakyan, ang “Tagapaghatid” at ang “Hagibis” ay sumasalungat sa agos tungo sa Werki, at isang remero na tinudla sa bangkang Inglatera ay humandusay nang nakadipa.
Sa simbahan ng San Pedro at San Pablo, ang mga anghel ay ipininid ang kanilang mga pilik nang may ngiti sa madreng may maruruming pag-iisip.
Balbasin at suot ang wig, si Gng. Sora Klok ay umupo sa kawnter at inutusan ang kaniyang labindalawang tagapagbili.
At lahat ng Kalyeng Aleman ay itinapon ang mga nakatiklop na tela, at inihanda ang sarili para sa kamatayan at sa pananakop ng Jerusalem.
Itim at maharlika, ang ilog sa ilalim ng lupa ay kumatok sa mga bodega ng katedral doon sa libingan ni San Casimiro ang Nakababata, at sa ilalim ng halos maabong gatong na roble ng tsimenea.
Pasan ang tiklis ng utusan, si Barbara, na nakapanluksang damit, ay nagbalik mula sa Misang Litwano sa San Nicolas tungo sa tahanan ng mga Romer sa Kalye Bakszta.
Anung kinang! Ang mga niyebe sa Tatlong Krus na Buról at Buról Bekiesz ay hindi matutunaw ng hininga ng kanilang maiikling búhay.
At ano na ang alam ko ngayon, kapag pumaling sa Kalye Arsenal at muling dumilat sa walang saysay na pagwawakas ng daigdig?
Tumatakbo ako, habang nililipad ang mga seda, palagos sa iba’t ibang silid nang hindi humihinto, dahil naniniwala ako sa pag-iral ng pangwakas na pinto.
Ngunit ang hubog ng labì at mansanas at bulaklak na ikinabit sa damit ang tanging hinahayaang mabatid at tangayin kung saan.
Ang Lupa, na hindi mapagmalasakit ni masama, hindi maganda ni hindi nakasusuklam, ay nagpatuloy nang inosente, bukás sa kirot at pagnanasa.
At ang handog ay walang halaga, kung pagkaraan, sa mga lagablab ng malalayong gabi, ay hindi nababawasan ang pait bagkus dumarami pa.
Kung hindi ko rin lang magugugol ang aking buhay at ang kanilang buhay upang ang pagtangis sa nakalipas ay magbanyuhay tungo sa armonya
Gaya ng Noble Jan Dęboróg sa segunda manong tindahan ng aklat sa Straszun, habambuhay akong hihimbing sa dalawang pamilyar na ngalan.
Ang kastilyong tore sa ibabaw ng masukal na libingan ay paliit nang paliit, at halos hindi marinig—tagulaylay ba iyon ni Mozart?—ang musika.
Sa walang tinag na liwanag, pinakislot ko ang mga labì at gumaan wari ang loob ko dahil hindi natagpuan ang mithing salita.
______________
Mga Tala
[i] Tumutukoy sa ilog Neris na sakop ng Belarus.
[ii]iTumutukoy sa ilog na matatagpuan sa Aukštaitija, silangang Lithuania.
[iii]Tumutukoy sa Ilog Merkys sa Timog Lithuania at Hilagang Belarus.
[iv] Katumbas ng “berries” sa Ingles.
[v] Isang nayon sa Lithuania, sa distrito ng Vilnius.
[vi] Isang bayan sa Belarus.