Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Testamento ng Makata
Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.
Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.
Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.
Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.
Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.
Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.