Salin ng tulang “Words,” ni Edwin Thumboo ng Singapore.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Mga Salita
Mapanganib ang mga salita, lalo yaong payak
Na uring iniiwan mo para sa iba,
Para sa mga kinaiinisang kaanak at iba pang layon.
Nauunawaan ang mga ito nang payak, nababago,
Nagagamit nang may yabang at masinop na irap:
Nakapagpapahirap ang pagiging karaniwan nito.
Kapag winikang Sabihin mo nawa sa kaniya
Na lumipas na ang poot
Na ang pagkakaibigan ay hindi napinsala. . . o
Pumunta ka pero pagkaraan lámang
Na mapabawa ang init. . .
Kapag ibig mong maging magalang,
Maingat, malinaw, mabait, mapagbulay,
Habang taglay ang tumpak na himig,
Ikaw ay hindi malayong sipiing nagsasabi
Nang kabaligtaran. . .
Ang mga salita’y hindi balido, maawain o masama,
nang mag-isa, wala, maliban kung ginamit, hinimok,
Inangkat tungo sa pag-uusap,
Hanggang maging malagálit, malatáwa, sugatan,
At nakapagpapakulay ng kilos at muwestra.
Ang mga salita ay salita. Maliban para sa atin,
Ang mga ito ay hindi personalidad.
Hinuhubog natin ang mga ito para maging mga tula.