Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Kahuyan, Isang Prosang Soneto
Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao! Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa inyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng inyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa inyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili ninyong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay ninyo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.