Wika ng Negosyo at Ekonomika
Ibig kong ipagpauna ang mataos na pasasalamat sa Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng matalik na kolaborasyon ito sa Komisyon sa Wikang Filipino para pag-usapan ang pananalapi at ekonomika sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kung hindi marahil kina BSP Pangalawang Gobernador Diwa C. Guinigundo at PDIC Pangulo Cristina Q. Orbeta ay mabibigong maisulong ang forum na ito sa maringal na silid-pulungan ng BSP.
Ang teritoryo ng negosyo, kapag sinangguni ang mga pahayagan at magasin, ay banyaga sa mga karaniwang Filipino. Nasabi ko ito sapagkat ang mga awtoridad sa nasabing lárang ay tila kinakausap lámang ang mga tao sa kanilang sirkulo. Maihahalimbawa ang mga ulat sa Manila Bulletin (13 Nobyembre 2015), na matutunghayan ang mga salitang gaya ng “Financial Infrastructure Development Network” (FIDN), “Micro, Small and Medium Enterprise,” (MSME), “Inclusive Business Model,” “hard and soft infrastructure,” “Asian Infrastructure Investment Bank” (AIIB), “township and office space developer,” “Multilateral Development Bank,” “outsourced payroll services,” “Investment Priorities Plan, atbp. Bukod sa nabanggit, mababása sa Philippine Daily Inquirer (13 Nobyembre 2015), ang gaya ng “economic reforms,” “inclusive businesses,” “Return on Assets,” “core businesses,” atbp.
Nagiging banyaga, kung hindi man nakababato [i.e., boring], ang ganitong talakay sapagkat hindi naman talaga naipararating sa mayorya ng Filipino ang importansiya ng mga ito sa kanilang búhay. Maihahalimbawa ang winika ni Eriko Ishikawa ng International Finance Corporation ng World Bank, nang ipakahulugan niya ang salitang “inclusive business.” Aniya, “Inclusive Business [is] a private approach to providing goods, services, and livelihoods at a commercially viable basis that is scalable to people at the base of the pyramid by making them part of the value chain of companies or business as suppliers, distributors, retailers, or customers.” Hindi ko alam kung paano naunawaan ito ng kaniyang mga tagapakinig. Simple lamang naman ang kaniyang ibig ipahayag. Ang pribadong sektor ay maghahatid ng produkto, serbisyo, at kabuhayan sa abot-kayang halaga ng mga dukha, at para maganap ito ay dapat kasangkapanin sila bilang tagapagbenta kung hindi man mamimíli. Ang jargon ng WB kapag isinalin sa Filipino ay dapat magpalinaw kung anong mga patakarang pambansa ang marapat baguhin para sa kapakinabangan ng mga Filipino. Hindi matatagpuan ito sa mga pahayagan, at waring tagaibang planeta ang paliwanag ng Department of Trade and Industry.
May mga termino rin na kung ipapaliwanag sa Filipino ay higit na magiging makabuluhan. Halimbawa, ang “FIDN” na isang uri ng plataporma na pinagsasanib ang pribado at publikong sektor ay laan upang tulungan ang mga ekonomiya sa APEC. Layunin nito, saad ng PDI, na palawakin ang pagpapautang sa maliliit o katamtamang laki na kompanya “dahil nagmumula rito ang 60 porsiyento ng kabuuang empleo sa bansa.” Kung ang sinasabing maliliit o katamtamang laki na kompanya ang tumutulong nang malaki sa ating ekonomiya, bakit hindi maipaliwanag sa maraming Filipino ang FIDN sa wikang mauunawaan ng lahat? Mahihinuha rin dito na ang malalaking kompanya ay dambuhala lámang sa pangalan, ngunit sisiw pagsapit sa totoong búhay sapagkat kakaunti ang naitutulong nito sa ekonomiya sa kabuuan.
Sayang at hindi naaarok ng karaniwang mamamayan kung bakit may Multilateral Development Bank, na nilikha ng isang grupo ng mga bansa para magpautang at magbigay ng payo sa alinmang kliyente nito na ibig umunlad. Halimbawa, ano ba ang kaugnayan ng MDB sa ating mga impraestruktura, gaya ng tulay, kalsada, dam, paliparan, internet, satelayt, atbp? Sa ganitong konteksto, ang pahayagan ay hindi naman talaga nagpapaliwanag, bagkus nagbibigay lámang ng press release para sa isang negosyante o politiko. Maitatanong din kung ano ang naitutulong ng MDB upang maging matamo ng Filipinas ang likás-kayang pag-unlad [sustainable development].
Bakit ko binanggit ang mga ito? Ang pagtuturo ng pananalapi at ekonomika ay hindi nangangahulugang dapat manatili na lámang tayo sa dilim, at umasa sa alinmang boses na maririnig mula sa mga eksperto sa ekonomiya, ekonomika, at pinansiya. Kung ganito nang ganito ang magaganap, tinatanggalan natin ang sarili ng kakayahang makapag-isip sa sariling wika, at itinutulak ang mga mamamayan na maging pasibo dahil sa katangahan. Ang mga eksperto sa ekonomiya, ekonomika, at pinansiya ay malaki ang responsabilidad na makipag-ugnayan sa malawak na populasyon, sapagkat ang kanilang kliyente ay hindi lamang mayayaman, bagkus ang buong bayan.
Nabubuhay ang ekonomiya ng Filipinas dahil sa aktibong pakikilahok ng sektor ng serbisyo, ayon sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Commission. At sa sektor na ito ay matatagpuan ang mga institusyon at indibidwal na handang umisip at kumilos sa malikhaing paraan upang umangat ang kabuhayan. Upang malikom ang puwersa ng sektor na ito, maimumungkahi ang paggamit ng Filipino bilang lingguwa prangka ng buong bansa. Ang gaya ng BSP at PDIC ay makikinabang nang malaki kung makikipag-ugnayan sa mga institusyong gaya ng KWF at iba pang organisasyong pangwika, sapagkat habang may nag-iisip sa panig ng ekonomiya, may isa pang panig na nag-iisip kung paano isasalin sa wika ng taumbayan ang mga saliksik o tuklas.
Nawa ang forum na ito ay simula lamang ng iba pang maiinit na talakayan ukol sa pananalapi at ekonomika sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kung mailalahok natin ang malaking porsiyento ng populasyon hinggil sa usaping ekonomiko, naniniwala ako na magkakaroon muli ng bagong anyo ng EDSA People Power [Aklasang Bayan sa EDSA] sa hinaharap. Hindi na mangingiming makipagbayanihan ang bawat Filipino, dahil alam nito kung paano tumakbo ang isip ng mga eksperto, kung paano makikilahok ang isang tao o ahensiya, bukod sa batid at naisasaalang-alang ang pangangailangan ng mga Filipino.
Maraming salamat sa inyong pagdalo, at tangkilikin natin ang Filipino para sa kapakinabangan ng lahat ng Filipino saanmang panig ng mundo. [Talumpating binása ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa forum ukol sa Pananalapi at Ekonomika sa Wikang Filipino na ginanap sa silid-sanayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong nakaraang linggo.]