Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Ang Paghihiwalay
Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!
Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!
Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!
Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!