Salin ng “Very Seldom,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Napakabihira
Siya ang hukluban. Kuba at marungis,
Siya ay binalda ng abuso’t taon,
Kay rahang lumakad pagtawid sa daan.
Ngunit pag sumapit sa kaniyang bahay,
Itatago niya ang lungkot-panahon
At gugunitain ang anyong makisig.
Ngayon, binibigkas ng mga binata
Ang kaniyang tula. Ang sariling tanaw
Niya’y dumaraan sa kanilang diwa.
Ang malusog nilang taglay na isipan,
Ang dingál at tatág ng básal na láwas,
Ay anu’t napukaw ng Gandáng matikas.