“Malungkot, napakalungkot,” ni Ruben Darío

Malungkot, napakalungkot

salin ng “Triste, muy tristemente” ni Ruben Darío ng Nicaragua.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Isang araw, ako’y lungkot, lubhang lungkot
nang lumigwak ang tubigang humahagok:

ang magdamag ay matamis, pinilakan.
Gabi’y nangis, humihikbi. Ang karimla’y

luha nitong kung artista’y mahiwaga
at humalo’y pinong lilang humihiwa.

Ang artista’y ako, luha’y misteryosong
bumubukal sa kalul’wang umaasó.

Advertisements