Awit ng Taglagas sa Tagsibol
salin ng “Cancion de Otoño en Primavera,” ni Rubén Darío.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Kabataan, ang dibinong kayamanang
maglalahò at hindi na magbabalik!
Ibig ko mang lumuha pa’y itong taglay
Ng puso ko’y walang lakas na tumangis. . .
Ang puso ko’y lubhang hitik sa bituing
Marami ang kasaysayang di masabi—
Siya’y paslit sa daigdig na ituring
na pasakit at magdusa’y anong dami!
Purong sinag siyang tuwa sa umaga
at may ngiti ng bulaklak pagkaambon;
Buhok niya’y tila gabing tinamasa
ang karimlan at kalisúd na umahon.
Mahiyain at tahimik, ako’y paslit
na di kayang gawin yaong ibang kási.
Pag-ibig ko sa kaniya’y abot-langit:
Ang tambalang Erodiyas at Salomé. . .
Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayong
Ang kabila’y higit namang sensitibo
mapayapa, mapagmahal, at matatag
Taglay yaong pagnanais na matamo
ang pag-ibig na mahirap nang matuklas.
Sa kabila ng kaniyang kahinhinan
Kung umibig siya’y ano’t isang lihim:
Ang patadyong niyang suot na makulay
ay nagkubli ng babaeng nababaliw. . .
Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.
Ang labi ko ay ninasa niyang kunin
At nabuwang naman ako nang tumusok
Sa puso ko ang kaniyang mga pangil—
walang hanggan ang kaniyang halik, yapós.
Libog niya ay tila ba lumalabis;
Puso niya ay lagablab sa buhay ko;
Bawat haplos niyang mula nang magtalik
Ay hanggahang walang tuldok sa espasyo.
Inakala niyang walang pagkaluoy
yaong aming lamán, mula sa Lemlunay;
Di inisip kung maglaho sa tagsibol
ang kay-raming bulaklak na makukulay.
Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.
At ang iba! Sa maraming klima mula
Sa malayong mga pook at lupalop
Ay palabas nitong aking mga tugma
Ang pangarap na babaeng niloloob.
Hinanap ko ang prinsesa ngunit bigo,
At naghintay nang naghintay siyang hapis.
Ang tadhana ay malupit, pumapasò.
Di darating ang prinsesang umaawit.
Ngunit kahit makulimlim ang panahon,
Ang pag-ibig sa kaniya’y walang maliw.
Ubanin man ako’y handang makalikom
niyong libong rosas doon sa may hardin.
Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.
Akin pa rin, gayumpaman, ang Liwayway!